Advertisers
INISYUHAN na ng Sadiganbayan noong nakaraang linggo ng ‘warrant of arrest’ si dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa kasong pandarambong na isinampa ng Ombudsman. Sa rekord, may katulad pang reklamo na isinampa ang ilang abogado nitong Pebrero sa Ombudsman sa pangunguna ni Atty. Jimmy Bondoc.
‘Whatever,’ wika nga, puwedeng sabihin na ang paglabas ng arrest warrant ay “resibo” ni PBBM sa kanyang sinabi sa nakaraang SONA na “walang kamag-anak” sa paghahanap ng katotohanan at hustisya sa eskandalo ng trilyones na ‘flood control project scam.’
‘Yun nga lang, “nagkataon” na nasa ospital si Romualdez ng isilbi ng PNP ang warrant at binabasa ninyo ito, hindi pa rin siya nabibitbit sa pinakamalapit na presinto—katulad ng mahigpit na itinatakda ng ‘Rules of Court—at nasa ‘air-conditioned hospital arrest’ pa rin habang “pinag-aaralan” pa rin ng Sandiganbayan ang merito ng kanyang petisyon na manatili sa ospital.
Kahit sa ordinaryong tao, sinasabi nilang “garapal” ang kaibahan ng pagtrato ng korte kay Romualdez, kina dating congressman Mike Defensor, Senator Rodante Marcoleta, Senator Jinggoy Estrada, sa iba pang ordinaryong akusado at kahit kay dating Pang. Rody Duterte.
Ang aksyon ng Sandiganbayan na “ibeybi” si Romualdez kumpara sa ilang naisyuhan ng warrant of arrest ay lumikha ng impresyon na sadyang “may piring” ang sistema natin ng hustisya—pabor sa mga mayayaman at may impluwensiya.
Hindi tayo abogado pero, kung talagang may respeto ang Sandiganbayan sa ‘rule of law,’ hindi ba dapat ‘na-contempt’ na ang PNP at kahit si DILG Secretary Jonvic Remulla dahil sa kabiguan nilang agad maipatupad ang utos ng korte?
Hindi ba sila nahihiya na nagmukha silang mga “kamote” at ‘powerless’ sa mata ng publiko dahil hindi pala sila determinado na maipatupad ang sarili nilang utos?
Asan na yung palasak na, “Sa presinto ka na magpaliwanag!” Para ba sa mahihirap lang talaga?
Palaging sinasabi na kaya maraming “rebelde” ay dahil sa kahirapan. Sa ganang atin, hindi ito totoo dahil “tanggap” naman ng mahihirap at mga kapos ang estado nila sa buhay.
Kayang tanggapin ng sino man na isa siyang mahirap at kapos sa pera at impluwensiya.
Pero, yung makita niya at maranasan niya na ang isang “bagay” na pinaniniwalaan niya, ang pamamalagi ng batas sa lahat ng oras at sitwasyon ay isa lang din palang kalokohan, ‘yan ang isang katotohanan na sadyang “magpapakulo” sa kanyang damdamin at kalooban.
It is injustice, far more than poverty that can push a man towards rebellion.’