Advertisers
Lumagda ang Manila City Government at Land Bank of the Philippines (LandBank) sa isang kasunduan para palakasin ang pondo ng lungsod para sa pabahay at makalikha ng mas matatag na mapagkukunan ng financing para sa in-city vertical housing program.
Pinangunahan nina Manila Francisco “Isko” Moreno Domagoso at LandBank Vice President at Chief Trust Officer Atty. Mario Sabino Jr. ang paglagda sa kasunduan nitong Miyerkules, Setyembre 16.
Sa ilalim ng kasunduan, ilalagak ng City Government sa LandBank ang tinatayang P50 milyon mula sa Manila Urban Settlements Office (MUSO) Housing Trust Fund.
Ang naturang pondo ay nagmula sa mandatory monthly contributions ng mga benepisyaryo ng mga in-city vertical housing projects ng lungsod.
Sa pamamagitan ng Resolution No. 598, Series of 2026, binigyan ng awtoridad ang City Housing Investment Committee na makipagnegosasyon sa LandBank para sa investment ng available resources ng MUSO Housing Trust Fund.
Eksklusibong nakalaan ang pondo para sa financing, pamamahala at pagpapalabas ng resources para sa mga programa ng lungsod sa pabahay at settlement.
Ayon kay Domagoso, kakaiba ang naturang investment dahil hindi mula sa buwis ng mga residente ang pondong muling ipinapasok sa housing fund kundi mula mismo sa mga benepisyaryo.
“Ito very unique kasi hindi siya tax money. This is the money entrusted by the beneficiary to the City,” ani Domagoso.
Inilarawan ng alkalde ang kasunduan bilang panimulang hakbang sa isang pangmatagalang estratehiya upang mapanatili at mapalawak ang in-city vertical housing program ng Maynila.
“This is the start of a long journey of the in-city vertical housing,” sabi niya.
Layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming pamilyang naninirahan sa mga informal settlement at mga nangungupahan na magkaroon ng disente, ligtas at sariling tahanan sa loob mismo ng Maynila.
Malinaw rin ang pangmatagalang layunin ng alkalde na unti-unting wakasan ang problema ng informal settlements sa lungsod.
“Darating ang araw na mauubos at mauubos ang squatter sa Maynila at mabibigyan ng tsansa ang mga nangungupahan na magkaroon ng sarili nilang bahay,” dagdag ni Domagoso.
Para sa alkalde, hindi lamang basta pagpopondo sa kasalukuyang housing projects ang layunin ng pagtatayo ng investment fund. Ito rin ay paraan upang magkaroon ang lungsod ng tuloy-tuloy na resources na maaaring gamitin sa pagtatayo ng mas marami pang tahanan sa hinaharap.
Nasaksihan ang signing ceremony nina City Treasurer Atty. Paul Vega, City Administrator Eduardo “Wardee” P. Quintos XIV, at City Legal Officer Atty. Luch R. Gempis Jr.(BP)