Advertisers
Nanawagan ng pagkakaisa at agarang aksyon si Bulacan Governor Daniel R. Fernando sa mga ahensya na may kinalaman sa pagbaha sa lalawigan.
Sa kanyang mensahe, mariing sinabi ng gobernador: “Hindi tayo magtuturuan. Magtutulungan tayo.”
Pinangunahan ni Fernando ang isang coordination meeting kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH), National Irrigation Administration (NIA), at Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Biyernes Setyembre 18 upang tukuyin ang ugat ng pagbaha at hanapan ng konkretong solusyon.
Kabilang sa mga binigyang-pansin ang mga flood-prone na lugar sa Longos at Bulihan sa Malolos City, Malis sa Guiguinto, Panginay sa Balagtas, Masuso sa Pandi, at Saluysoy sa Meycauayan.
Batay sa inisyal na pagsusuri ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), lumalabas na hindi high tide ang pangunahing sanhi ng pagbaha sa mga nasabing lugar.
Kabilang sa mga natukoy na problema ang mga nakaharang sa daluyan ng tubig, barado at sirang culvert, mababaw at maputik na mga ilog at sapa, at kakulangan ng dike at river wall.
Iginiit ni Fernando na dapat agad aksyunan ang mga problemang kayang lutasin sa ngayon, habang kinakailangan ng malinaw at pangmatagalang plano para sa mas malalaking hamon sa pagbaha sa Bulacan.
Dumalo sa naturang pulong sina Bulacan 1st District Rep. Danilo Domingo, 2nd District Rep. Tina Pancho at 5th District Rep. Agay Cruz, kasama sina Malolos City Mayor Christian Natividad at Baliwag City Mayor Sonia Estrella.
Habang hindi naman nakadalo sina San Jose Del Monte Bulacan Lone District Rep. Arthur Robes, 4th District Congresswoman Linabell Ruth Vilarica at 6th District Rep. Salvador Playto.
Layunin ng pagkikipagpulong ni Sec. Dizon kay Peoples Governor Daniel Fernando at sa mga LGUs kung paano ang mga mitigation program ng DPWH patungkol sa mga pagbaha sa lalawigan.
Ang pulong ay bahagi ng pagtalakay sa mga isyu at proyekto ng DPWH sa Bulacan, kabilang ang mga flood control projects.
Samantala batay sa ulat, ilan sa mga dumalo ay naiuugnay sa mga maanomalyang flood control projects na iniimbestigahan, kabilang ang mga proyektong sinasabing ghost projects.
***
Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com