Advertisers
MAGPUPUYOS sa galit sina PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., NBI Dir. Atty. Melvin Matibag, CIDG Dir. MGen. Robert Alexander Morico II at PNP Region 4A Dir. BGen. Dominic Baccay kapag nalaman ng mga ito na ang kanilang mga pangalan ay kinakalakal sa sindikato ng e-sabong ng isang alyas Melchor Ngongo at Pineda sa CALABARZON.

Sentro ng e-sabong nina alyas Melchor Ngongo at Pineda ang lalawigan ng Cavite kung saan unang nakapag latag ang mga ito ng ilegal na e-sabong sa mga sabungan sa siyudad ng Imus at Cavite City, Maragondon, Ternate, Kawit, General Trias, Tanza at ilan pang mga lungsod at munisipalidad.
Nilukob na din ng e-sabong operation nina alyas Melchor Ngongo at Pineda ang mga siyudad at munisipalidad sa CALABARZON tulad ng Lipa City, Tanauan City sa Batangas, San Pedro, Cabuyao, Calamba City, San Pablo City, Laguna, Lucena City sa Quezon, Antipolo City sa Rizal at iba pa.
Si Pineda din ang kapitalista ng Perya ng Bayan (PnB) at STL bookies sa Cavite. Katiwala nito ang isang alyas Nita Kabayo.
Si alyas Pineda na nakabase sa probinsya ng Pampanga ang bankero o kapitalista ng e-sabong sa CALABARZON habang si alyas Melchor Ngongo na may mga safehouse sa iba’t ibang lugar sa Cavite ang nagsisilbing poste, katiwala at tagapaghatag sa mga “kapustahan” (police tong collector) na sina alyas Dondon Cainta na kilala din sa alyas na Sgt. Cruz, alyas Hero, Maricon.
Hindi lamang sa e-sabong operation kumokolekta ng weekly payola o intelhencia sa Cavite sina alyas Sgt. Cruz, alyas Hero at Maricon kundi pati sa mga sakla , bookies ng EZ 2, pick 3, loteng at iba pang “padating” para sa mga opisina ng PNP sa Camp Crame, PNP Region 4A police office at sa tanggapan ng NBI sa rehiyon.
Ang Cavite, Laguna at Batangas ang tinutukoy sa pagdinig ng kongreso noong 2024 na may pinaka talamak na operasyon ng illegal vices lalo na ang bookies. Nadagdag pa rito ang e-sabong, sakla at pergalan (peryahan na sugalan) na may shabuhan at puesto pijo o permanenteng sugalan.
Sa Laguna ay bukod sa malakas ang e-sabong operation ay may mga di matinag-tinag na permanente o puesto pijo na pasugal ang isang alyas Judith sa Brgy. Balibago, Sta. Rosa City at sa Brgy. Sto Domingo, malapit sa Biñan City Public Market.
Walang aksyon dito sina Cavite Gov. Gabriel “Abeng” Remulla, Cavite Acting PNP Provincial Dir. Col. Ariel Red, Laguna Gov. Sol. Aragones at Laguna Acting Provincial Dir. Col. Zandro DC Tafalla.
Ipinagyayabang ni alyas Melchor Ngongo na may “padating” sila sa mga tanggapan ng PNP Chief, CIDG Camp Crame, PNP Region 4A at NBI regional at district offices?
Ayon sa mga police insider ay hindi naglubay ang e-sabong, bagamat sinuspinde ang operasyon nito simula pa noong December 2024 hanggang sa ganap at tuluyang ipinagbawal ito sa buong bansa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Sa bisa ng Executive Order No. 9 ay pangunahing isinaalang-alang nI PBBM na kailangan panatilihin ang mataas na moralidad, kagalingan at kapakanan ng mga mamamayan.
Ngunit balewala ang pagpupunyagi ng Pangulo kung hindi naman kikilos sina NBI Dir. Atty. Matibag, PDGen. Nartatez Jr., MGen. Morico II, PBGen. Baccay, mga NBI regional at district agent, pati na mga police chief at hahayaan na lamang na mamayagpag ang ilegal na aktibidad nina alyas Pineda, alyas Melchor Ngongo, alyas Sgt. Cruz, alyas Hero at Maricon sa Cavite at CALABARZON. May karugtong.
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144