Advertisers
Sa bawat eskinita, boulevard at makasaysayang pader ng Maynila, may kuwentong naghihintay na muling buhayin. Ito ang diwang hatid ng “Manila, My Manila,” ang bagong kampanya ng lungsod na inilunsad kasabay ng kauna-unahang My Manila Tourism Expo 2026 na naglalayong ipakita na ang Maynila ay hindi lamang isang lugar na dinaraanan kundi isang lungsod na dapat maranasan, kilalanin at balikan.
Hindi basta isang tourism event ang My Manila Tourism Expo 2026. Isa itong pagtatangka ng pamahalaang lungsod na muling ilagay sa mapa ng turismo ang Maynila, hindi lamang bilang sentro ng pamahalaan at negosyo kundi bilang tahanan ng kasaysayan, kultura, sining, pagkain at samu’t saring kuwentong bumubuo sa pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.
Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagbubukas ng kauna-unahang tourism expo noong Biyernes, Setyembre 25, sa makasaysayang Foro de Intramuros, na tatagal nang tatlong araw at natapos nitong Linggo, Setyembre 27.
Sa temang “Manila, My Manila,” inilunsad ang isang kampanyang naglalayong ipakita ang iba’t-ibang mukha ng kabisera at hikayatin ang mga lokal at dayuhang turista na tuklasin ang mga yaman nitong matagal nang bahagi ng kasaysayan ng bansa.
Libre ang pagpasok sa expo na bukas mula alas-9 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi. Mahigit 12,000 rehistradong kalahok ang inaasahang makikibahagi sa iba’t ibang aktibidad na nagtatampok sa mga atraksyon, negosyo at karanasang panturismo sa Maynila.
MAYNILA, HINDI LANG KONGKRETO AT MATATAAS NA GUSALI
Sa pagbubukas ng expo, binigyang-diin ni Domagoso na ang Maynila ay lungsod ng mga pagkakaiba—kung saan magkatabing namumuhay ang modernong kaunlaran at makasaysayang pamana.
Sa isang panig ay matatayog na gusali at abalang sentro ng negosyo; sa kabilang panig ay mga lumang estruktura, makasaysayang pader at mga pook na saksi sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas.
Para sa alkalde, hindi dapat mapaghiwalay ang dalawang mukha ng lungsod dahil kapwa mahalaga ang mga ito sa pagkakakilanlan ng Maynila.
Mula sa mga makasaysayang personalidad na sina Rajah Sulayman at Andres Bonifacio hanggang sa mga pangalang naging bahagi ng lokal na kultura gaya nina Asiong Salonga at Victor Lopez Jr., ipinakita ng alkalde na sari-sari ang kuwentong bumubuo sa Maynila.
Sa bawat sulok nito, aniya, ay may kasaysayang dapat tuklasin at kuwentong dapat maipasa sa susunod na henerasyon.
TURISMO NA MAY PAKINABANG SA MAMAMAYAN
Higit sa pagpapakilala sa mga pasyalan, malinaw ang mensahe ng kampanya: ang turismo ay dapat maging daan upang magkaroon ng mas maraming oportunidad ang mga Manileño.
Ayon kay Domagoso, bawat turistang bumibisita sa lungsod ay maaaring magbukas ng oportunidad sa trabaho para sa mga mamamayan, mula sa mga hotel at restaurant hanggang sa transportasyon, maliliit na negosyo at iba pang serbisyong kaugnay ng turismo.
Binigyang-diin din ng alkalde ang naitalang double-digit growth sa business registrations ng Maynila sa nakalipas na taon, sa kabila ng mga hamong pang-ekonomiya.
Sa ganitong pananaw, ang pagpapalakas ng turismo ay hindi lamang tungkol sa pagdami ng mga bisita kundi sa pagpapasigla ng lokal na ekonomiya at pagbibigay ng mas maraming pagkakataon sa mga negosyante at manggagawa.
LABING-ISANG MUKHA NG MAYNILA
Sa pangunguna ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM), sa ilalim ni Manila City Tourism Officer at Director Cristal Bagatsing, inilatag sa expo ang labing-isang temang kumakatawan sa iba’t ibang karanasan sa lungsod.
Kabilang dito ang My Heritage, My Flavor, My Creativity, My Night, My Journey, My Family, My Passion, My Business, My Health, My Future at My Adventure.
Pinagsama-sama sa iisang lugar ang mga heritage institution, hotel, restaurant, negosyo at malikhaing komunidad upang ipakita ang lawak ng mga karanasang maaaring tuklasin sa Maynila.
Hindi rin nagpahuli ang mga programang pangkultura at pang-aliwan, kabilang ang Barangay Tourism Seminar, MidFest mini concerts at gala shows, film screenings ng Film Development Council of the Philippines, Manila City Band mini concert at MIDAS Awards.
Ngayong araw, Setyembre 27, nakatakdang magtapos ang tatlong araw na expo sa pamamagitan ng awarding ceremony at closing ceremony.
“YOUR MANILA, MY MANILA”
Malinaw ang mensahe ng kampanya: hindi iisa ang mukha ng Maynila.
Para sa ilan, ito ay lungsod ng kasaysayan at pananampalataya. Para sa iba, ito ay tahanan ng masasarap na pagkain, sining, negosyo, nightlife at mga alaala ng pamilya.
At para sa milyun-milyong Pilipino, ang Maynila ay simbolo ng pangarap, oportunidad at pag-asang makahanap ng mas magandang kinabukasan.
Hinango ang pangalan ng kampanya sa akda ni National Artist for Literature Nick Joaquin na “Manila, My Manila,” at isinusulong ang paniniwalang ang Maynila ay hindi lamang pag-aari ng mga nakatira rito kundi bahagi ng pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.
Sa panawagan ni Domagoso, ang Maynila ay para sa lahat—Manileño man o hindi.
Kaya hinihikayat ng pamahalaang lungsod ang mga residente, bisita, estudyante at manggagawa na ibahagi sa social media ang kani-kanilang karanasan sa Maynila gamit ang hashtags na #ManilaMyManila at #MyManilaTourismExpo2026.
ANG HAMON: HIGIT PA SA TATLONG ARAW
Sa pagtatapos ng My Manila Tourism Expo 2026 ngayong Setyembre 27, ang tunay na hamon ay kung paano mapananatili ang sigla ng kampanya lampas sa tatlong araw na pagtitipon.
Mahalagang masundan ito ng tuluy-tuloy na promosyon ng mga pook-pasyalan, pangangalaga sa mga makasaysayang estruktura, pagpapalakas ng mga lokal na negosyo at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga Manileño.
Dahil ang isang lungsod na mayaman sa kasaysayan ay may kakayahang mag-alok ng higit pa sa mga lumang gusali at sikat na pasyalan.
May Maynila ng mga negosyante, manggagawa, artista, estudyante, pamilya at mga ordinaryong mamamayang patuloy na bumubuo sa kuwento nito.
At kung maisasalin sa konkretong pakinabang ang kampanyang ito, maaaring maging tulay ang turismo upang mas makilala ang Maynila at mas maramdaman ng mga mamamayan ang halaga ng kanilang sariling lungsod.
Sa huli, ang “Manila, My Manila” ay hindi lamang paanyayang bisitahin ang kabisera. Isa itong paalala na ang Maynila ay may kuwentong dapat ipagmalaki, kasaysayang dapat pangalagaan at kinabukasang dapat sama-samang buuin.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.