Advertisers
Inilarawan ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na wala nang siga at palusot sa muling pagpapatupad ng mas pinaigting na No Contact Apprehension Program o NCAP 2.0 sa lungsod.
Bnigyang-diin ng alkalde na tapos na ang panahon ng pakiusap at palusot sa kalsada dahil teknolohiya na ang huhuli.
Sa kanyang unang termino sinabi ni Domagoso na subok na ang NCAP kung saan nahuli ang daan-dang motorista.
Sa NCAP 2.0 ngayon , mas malinaw at mas matalas: gagamit ng high-resolution cameras na kayang kumuha ng bawat paglabag.
Bawat kuha ay dadaan muna sa validation ng awtorisadong NCAP personnel bago padalhan ng Notice of Violation ang motorista.
Ang multa na sinumang may paglabag ay nakabatay sa Metro Manila Traffic Code of 2023.
Pinaalalahanan din ang mga motorista na maaaring maghain ng online protest sa NCAP portal kung may reklamo , puwedeng bayaran online o personal sa city hall kung saan nangyari ang violation.
Babala ng alkalde , huwag balewalain ang notice sa bahay, dahil lalaki lang ang penalty kapag hindi agad inaksyunan.
At higit sa lahat, pantay-pantay aniya ang batas — mayaman, middle class, mahirap, o kahit opisyal at empleyado ng gobyerno. Kapag lumabag, titiketan.
Wala nang areglo sa kanto, wala nang tawag sa kakilala. Kamera na ang kalaban ng mga pasaway.
Kaya panawagan ni Isko, lalo na sa mga kawani ng gobyerno: Sumunod at maging ehemplo sa kalsada. (Jocelyn Domenden)