Advertisers

Advertisers

PBBM, KINALAMPAG SA P22.5-B LUGI NG HOG FARMERS!

0 26

Advertisers

Nanawagan ang mga grupo ng mga magbababoy kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na agarang kumilos upang sagipin ang lokal na industriya ng baboy na nalulugi dahil sa mababang farmgate prices at patuloy na pagdagsa ng imported pork.
Sa liham kay Pangulong Marcos na may petsang Oktubre 8, 2026, hiniling ng Pork Producers Federation of the Philippines Inc. (PPFPI), Philippine Pork Council Alliance Inc. at mga kaalyadong grupo sa agrikultura ang agarang pagpapatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang lokal na mga magbababoy at matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili.
Samantala, sumulat din si si AGAP Party-list Rep. Nicanor M. Briones kina Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., at Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno noong Oktubre 2 upang hilingin ang agarang aksiyon laban sa mga problemang dulot ng imported pork, kabilang ang posibleng maling deklarasyon at undervaluation ng mga inaangkat na produkto.
Ayon sa mga liham, bumagsak sa P130 hanggang P140 kada kilo ang farmgate price ng baboy, kumpara sa production cost na P180 hanggang P190 kada kilo. Dahil dito, nalulugi ang mga magbababoy ng hindi bababa sa P50 kada kilo o P5,000 sa bawat 100-kilogramong buhay na baboy.
Tinatayang umaabot sa P250 milyon kada araw ang pagkalugi ng sektor. Nagbabala rin ang mga grupo na maaari itong umabot sa P22.5 bilyon sa loob ng 90 araw kung hindi agad kikilos ang pamahalaan.
Batay na rin sa datos ng Bureau of Animal Industry (BAI) na binanggit sa liham kay Marcos, umabot sa rekord na 851 milyong kilo ang pork imports noong 2025 at inaasahang aabot sa 939 milyong kilo pagsapit ng katapusan ng 2026 kung magpapatuloy ang kasalukuyang takbo.
Dahil dito, iminungkahi ng mga grupo na ibalik sa 30 porsiyento ang taripa sa in-quota pork imports at 40 porsiyento sa out-quota imports, mula sa kasalukuyang 15 porsiyento at 25 porsiyento. Hiniling din ang pansamantalang quantitative restrictions o limitasyon sa dami ng inaangkat na baboy sa loob ng hanggang 200 araw simula Oktubre 2026.
Kabilang pa sa mga panukala ang pag-ayon sa taripa ng pork jowls sa taripa ng karne ng baboy, paglalathala ng aktuwal na transaction values ng imported pork at paglilimita sa import clearances para sa mechanically deboned meat (MDM) sa mga akreditadong meat processor.
Sa liham naman ni Briones kay Sec. Tiu Laurel, hiniling niyang agarang ipatupad ang mas mataas na taripa, limitasyon sa importasyon, mahigpit na inspeksiyon sa imported pork offals at MDM, at kaparehong mga patakaran sa kalusugan ng hayop na ipinaiiral sa lokal na baboy.
Hiniling din ni Cong. Briones na mailathala ang transaction values ng imported pork upang magsilbing batayan sa tamang pagbubuwis at maiwasan ang undervaluation, misdeclaration at misclassification.
Sa liham naman kay BOC Commissioner Nepomuceno, hiniling ni Briones ang masusing inspeksiyon sa mga imported pork products na may mas mababang taripa at paglalagay sa mga ito sa red lane upang matukoy ang posibleng technical smuggling.
Iminungkahi rin niya ang paghahain ng mga kaso sa ilalim ng Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, kasama ang mga kinatawan ng industriya, kung may sapat na batayan.
Samantala, nagpahayag din ng pangamba ang mga grupo sa mga ulat na ibinebenta umano sa mga palengke at online platforms ang imported frozen pork nang walang wastong cold-chain refrigeration. May mga alegasyon din tungkol sa expired o hindi ligtas na karne na umano’y hinuhugasan ng tawas upang matakpan ang mabahong amoy at pagbabago ng kulay.
Binigyang-diin ng mga grupo na kailangang sabayan ng proteksiyon sa lokal na merkado ang P1.6-bilyong Swine Repopulation Program ng DA, na naglalayong bumili ng humigit-kumulang 32,000 gilt o batang babaeng baboy upang mapalakas muli ang lokal na produksyon matapos ang epekto ng African swine fever (ASF).
Ayon sa kanila, kung patuloy na babahain ng imported meat ang merkado, maaaring mawalan ng saysay ang mga programang naglalayong buhayin ang industriya at mapanatili ang kabuhayan ng mga lokal na magbababoy.
Dahil dito, nanawagan sina Briones at ang mga grupo ng mga magbababoy sa pamahalaan na agarang kumilos upang mapigil ang patuloy na pagkalugi ng sektor, maprotektahan ang lokal na agrikultura at matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili.