Advertisers

Advertisers

SERBISYONG MEDIKAL, HATID NG BATANG ECOZONE SA MGA KATUTUBO!

0 23

Advertisers

Nagsanib-puwersa ang University of Santo Tomas Alumni Association, Inc. (USTAAI) at ang Batang Ecozone sa pagsasagawa ng taunang Medical, Surgical and Dental Mission 2026 na naghatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga kapus-palad na bata, matatanda, Aeta at iba pang Indigenous Peoples (IPs) sa lalawigan.

Isinagawa ang medical mission nitong Oktubre 10, 2026 sa Malasa Integrated School sa Barangay Anupul, Bamban, Tarlac, sa pakikipagtulungan ng iba’t-ibang organisasyon at mga katuwang na naglalayong mailapit ang mahahalagang serbisyong medikal sa mga komunidad na higit na nangangailangan nito.

Pinangunahan ng Batang Ecozone sa pamumuno ni Engr. Jerenato “Jerry” Alfante, pangulo ng organisasyon, kasama si Froilan Sanchez, executive vice president, ang pakikibahagi sa programang naglalayong magbigay ng pangunahing konsultasyong medikal at iba pang serbisyong pangkalusugan sa mga benepisyaryo.



Kabilang sa mga serbisyong inilaan sa medical mission ang konsultasyong medikal para sa pamilya at mga bata, serbisyong pang-obstetrics at gynecology, ophthalmology, ear, nose and throat (ENT), dermatology, dental care, operasyon at iba pang serbisyong may kaugnayan sa physical therapy, rehabilitation at developmental at feeding support.

Layunin ng programa na maibsan ang gastusin ng mga pamilyang kapos sa kakayahang magpagamot at matiyak na mas maraming residente, partikular ang mga Aeta at iba pang katutubong pamayanan, ang magkaroon ng pagkakataong makatanggap ng kinakailangang serbisyong pangkalusugan.



Matapos ang medical mission, nagsagawa rin ang mga opisyal ng Batang Ecozone ng courtesy visit kay Chairman Oscar Riverra at sa mga opisyal ng CADT IP, sa pangunguna ni Governor at dating Barangay Captain Danilo Abrias.

Sa naturang pagpupulong, tinalakay ang mga plano at susunod na programa ng Batang Ecozone na nakatuon sa kapakanan ng mga katutubong pamayanan, kabilang ang mga Aeta at mga manggagawang mula sa Indigenous Peoples na nagtatrabaho sa mga economic zone, gayundin ang kanilang mga pamilya.



Binigyang-diin ng inisyatiba ang patuloy na pakikipagtulungan ng Batang Ecozone sa mga katuwang na organisasyon at lider-komunidad upang makabuo ng mga programang tutugon sa pangangailangan ng mga benepisyaryo, hindi lamang sa larangan ng kalusugan kundi maging sa iba pang serbisyong panlipunan.

Sa pamamagitan ng mga programang tulad ng Medical, Surgical and Dental Mission, layon ng Batang Ecozone at ng mga katuwang nito na palawakin ang access sa serbisyong pangkalusugan at palakasin ang ugnayan sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong at suporta.