Advertisers
INIUGNAY ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang dating miyembro ng Bangsamoro Transition Authority 1 (BTA1) na si Sultan Edrieza Hadji Nasser Rimbang sa umano’y pagpopondo sa 521-kilong hinihinalang shabu shipment na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon at naharang sa Laos bago makarating sa Pilipinas.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na kabilang si Rimbang sa 11 persons of interest na natukoy sa paunang imbestigasyon ng joint task force ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP).
Itinuro rin ni Remulla si Abdullah Rimbang Macarimbang bilang isa pang umano’y financier ng operasyon.
Inilabas ng DILG ang isang diagram na nagpapakita ng ugnayan ng mga persons of interest, kabilang ang pagbili ng pribadong eroplano na ginamit sa operasyon at ang planong pagdadala ng ilegal na droga sa Pilipinas.
Samantala, kinumpirma ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na nasa kustodiya na nila ang isa sa mga persons of interest, habang patuloy na minomonitor ang iba pa.
Gayunman, wala pang nakabinbing kaso o arrest warrant laban sa 11 indibidwal kaya hindi pa sila maaaring arestuhin kaugnay ng naturang imbestigasyon. (Gilbert Perdez)