Advertisers
PINAPAHINTULUTAN na ng Department of Education (DepEd) ang mga estudyante sa mga pampublikong paaralan na pumasok nang hindi nakauniporme, kabilang ang pagsusuot ng sando, basta’t disente ang kanilang pananamit.
Bahagi ito ng paghahanda ng kagawaran sa posibleng epekto ng inaasahang Super El Niño, na maaaring magdulot ng matinding init sa mga silid-aralan.
Ayon kay Department of Education Secretary Sonny Angara, hindi na kailangang pilitin ang mga estudyante na magsuot ng uniporme, lalo na kung mahihirapan ang kanilang pamilya sa paglalaba dahil sa kakulangan ng tubig.
Layunin din ng hakbang na mabawasan ang discomfort ng mga mag-aaral sa harap ng mataas na temperatura, habang sinisiguro na magpapatuloy ang kanilang pag-aaral.
Samantala, pinag-aaralan din ng DepEd ang paglalagay ng solar power systems sa mga paaralan upang makatulong sa pagtitipid sa kuryente at mapanatili ang maayos na bentilasyon sa mga silid-aralan.
Tinitingnan ang mga hakbang na ito upang mabawasan ang posibleng epekto ng matinding init at mga aberya sa suplay ng kuryente sa pag-aaral ng mga estudyante.
Binigyang-diin ni Angara na prayoridad ng kagawaran na matiyak ang tuloy-tuloy na edukasyon sa kabila ng mga hamong maaaring idulot ng El Niño.
Ang El Niño ay isang weather phenomenon na nagdudulot ng mas mataas na temperatura at posibilidad ng mas kaunting pag-ulan sa bansa, na maaaring magresulta sa matinding init at kakulangan sa suplay ng tubig.