Advertisers

Advertisers

3 OPISYAL NG DPWH SIBAK SA FLOOD CONTROL SA DAVAO

0 21

Advertisers

SINIBAK sa puwesto ang tatlong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao City habang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y mga iregularidad sa flood control projects, ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon nitong Lunes.

Kabilang sa mga sinibak sina District Engineer Richard Ragasa, na kasalukuyang nakatalaga bilang Assistant Regional Director ng DPWH Region 4-B; Assistant District Engineer Lilibeth Sarmiento; at Construction Chief Roberto Mamaril.

Ayon kay Dizon, kabilang sila sa mga iniimbestigahan ng NBI at sa mga kasong iniakyat sa Department of Justice (DOJ) at Ombudsman kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control project na may kinalaman sa Genesis88 sa Davao.



Noong Oktubre 13, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na inirekomenda ng kanyang ahensiya sa DOJ ang pagsasampa ng mga reklamo laban sa mga opisyal ng DPWH at Genesis88 Construction dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at falsification by a public officer.

Ayon kay Matibag, nakakuha ang Genesis88 ng mga flood control project na nagkakahalaga ng P7 bilyon sa unang distrito ng Davao City, na kinakatawan sa House of Representatives ni Paolo “Pulong” Duterte.



Kabilang ang tatlong opisyal sa 12 opisyal at kontratista ng Genesis88 na inirekomenda ng NBI na kasuhan.

Samantala, sinibak din ni Dizon si Engr. Renato Catingub, construction chief ng DPWH sa ikaapat na distrito ng Cebu, kaugnay ng mga ulat na umano’y nanghihingi ito ng pera sa mga kontratista.



Ipinaliwanag ni Dizon na ipinatutupad ng DPWH ang “one strike policy”, agad inaalis sa puwesto ang mga tauhan o opisyal na nasasangkot sa mga ulat ng iregularidad.

“Sa lahat ng mga tiga DPWH, kapag ka kayo ay gumawa ng kalokohan o nakasuhan, automatic tanggal kayo sa pwesto so mayroon pang currently iniimbestigahan ngayon and I will be announcing in the next few weeks,” diin ni Dizon.