Advertisers
Bilang bahagi ng pagpapatupad sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na higpitan ang pagbabantay sa mga paliparan laban sa pagpupuslit ng ilIGal na droga, nasamsam ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang 15.036 kilo ng pinaghihinalaang ilegal na droga na may kabuuang tinatayang halaga na P89,161,800.
Narekober ang mga ito noong Nobyembre 6, 2026, mula sa 12 inabandonang parcel sa isang warehouse sa Pasay City. Nagmula ang mga parcel sa Thailand, India, US, at Netherlands.
Batay sa physical examination, kabilang sa mga nasamsam ang 11.241 kilo ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P76,438,800 pati na din 1.563 kilo ng pinaghihinalaang marijuana kush na nagkakahalaga ng P1,563,000 at 2.232 kilo ng pinaghihinalaang ketamine na nagkakahalaga ng P11,160,000.
Natagpuan ang mga hinihinalang droga sa mga damit, balot ng pagkain at tsaa, lalagyang kahoy, metal na pulley, handbag, at deep fryer. Kabilang naman sa mga idineklarang laman ng mga parsela ang damit, laruan, kagamitang pambahay, piyesa ng sasakyan, at mga regalo.
Binigyang-diin ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na mahalagang masuri maging ang mga inabandonang padala, lalo na kung maaaring may nakatago sa loob ng mga gamit na karaniwang ipinapadala mula sa ibang bansa.
Kinilala rin niya ang masusing trabaho ng mga tauhan ng BOC-NAIA at ang pakikipagtulungan ng mga ahensyang kasama sa operasyon.
“Binabati ko ang BOC-NAIA sa masusing pagsusuri sa mga padalang ito. Nagpapasalamat din ako sa PDEA at sa iba pa nating katuwang na ahensya. Sa ganitong pagtutulungan, nahaharang natin ang mga padala na may kontrabando bago pa makarating sa ating mga komunidad ang anumang drogang nakatago rito,” ani Commissioner Nepomuceno.
Pinangunahan ng BOC-NAIA ang operasyon katuwang ang Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang ahensya.
Isinumite sa PDEA Laboratory Service ang mga nasamsam para sa pagsusuri at pagkumpirma sa uri ng mga ito. Nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may sapat na batayan para magsampa ng kaukulang kaso.
Ang BOC-NAIA sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Atty. Maria Yasmin M. Obillos-Mapa ay patuloy na paiigtingin ang pagsusuri sa mga kahina-hinalang padala mula sa ibang bansa, kabilang ang mga inabandonang parcel.
Ani Mapa, patuloy din silang makikipag-ugnayan sa PDEA at sa iba pang katuwang na ahensya upang maagapan ang mga pagtatangkang magpuslit ng ilegal na droga sa pamamagitan ng mga padala. (JERRY S. TAN)