Advertisers

Advertisers

PASAY NEW WATER TREATMENT PLANT NG MAYNILAD, KAYANG MAG-PRODUCE NG 12-MILYON LITRO KADA ARAW

0 20

Advertisers

PASAY CITY — Inilunsad nitong Martes, Nobyembre 10, ng Pamahalaang Lungsod ng Pasay ang isang makabagong pasilidad na may kakayahang gawing ligtas na inuming tubig ang wastewater o nagamit nang tubig, na inaasahang makatutulong sa pagpapatatag ng suplay ng tubig sa lungsod.

Pinangunahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang paglulunsad ng proyekto na isinagawa sa pakikipagtulungan ng Maynilad Water Services Inc. at gumagamit ng makabagong Direct Potable Reuse (DPR) technology.

Sa pamamagitan ng teknolohiyang ito, muling pinoproseso at nililinis ang wastewater mula sa Pasay Water Reclamation Facility sa pamamagitan ng mas masusing treatment process upang maabot ang mga pamantayan para sa ligtas na inuming tubig.



Sa kasalukuyan, nakakagawa na ang pasilidad ng humigit-kumulang apat na milyong litro ng inuming tubig kada araw. Inaasahan namang maaabot nito ang buong kapasidad na 12 milyong litro bawat araw pagsapit ng Disyembre.

Ayon sa pamahalaang lungsod, mahalaga ang naturang proyekto lalo na sa isang urbanisadong lugar tulad ng Pasay, kung saan patuloy na tumataas ang pangangailangan sa tubig kasabay ng pagdami ng mga residente at iba pang aktibidad sa lungsod.



Binigyang-diin ni Mayor Rubiano na hindi lamang pagpapalawak ng imprastraktura ang layunin ng proyekto, kundi bahagi rin ito ng pagsusulong ng kalusugan ng publiko, pangangalaga sa kalikasan, at paghahanda ng lungsod sa mga pangangailangan ng susunod na henerasyon.

Idinagdag ng alkalde na ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig ay hindi lamang nakasalalay sa pagtatayo ng mga pasilidad, kundi maging sa pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan at responsableng paggamit ng mga likas na yaman.



Nagpasalamat din si Rubiano sa Maynilad at sa lahat ng mga taong naging bahagi ng pagsasakatuparan ng naturang proyekto.

Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, layunin ng Pamahalaang Lungsod ng Pasay at Maynilad na ipakita na maaari pang mapakinabangan ang wastewater bilang karagdagang pinagkukunan ng malinis at ligtas na inuming tubig sa tulong ng makabagong teknolohiya, masusing proseso ng paglilinis, at mahigpit na pagsusuri sa kalidad ng tubig.

Inaasahang magiging mahalagang hakbang ang proyekto sa pagsusulong ng sustainable water management at pangmatagalang seguridad sa suplay ng tubig para sa mga mamamayan ng Pasay City. (RONALD BULA)