Advertisers
ODIONGAN, ROMBLON — BUKAS na sa publiko ngayong Nobyembre 15, ang bagong ICB Cockpit Arena sa Odiongan, Romblon, kasabay ng pagsasagawa ng 6-Stag Derby na may garantisadong ₱600,000 na premyo at isang malaking tropeo para sa magkakampeon.
Layunin ng pamunuan ng ICB na magbigay ng alternatibo sa mga ilegal na online sabong sa pamamagitan ng isang makabagong pasilidad na gumagamit ng machine-based betting system.
Ayon sa management, sa loob mismo ng sabungan isasagawa ang pagtaya at hindi ito direktang konektado sa internet o anumang online betting platform.
Makikita sa mga telebisyon sa loob ng arena ang aktuwal na laban at payout, habang sa mga teller naman isasagawa ang pagtanggap at pagtatala ng mga taya ng mga mananaya.
Nagtakda ang pamunuan ng ICB ng ₱100 ang minimum na taya, habang walang itinakdang maximum na halaga ang pamunuan.
Mayroon ding nakahandang parking area, comfort rooms, cashier at mga silid para sa mga crew upang maserbisyuhan ang mga dadagsa sa pasilidad.
Tinatayang 200 hanggang 300 katao ang kayang tumanggap sa mismong rueda, habang umaabot naman sa 2,000 mananaya ang kapasidad ng buong pasilidad.
Mahigpit na ipatutupad ang seguridad sa lugar, kabilang ang bawal sa pagdadala ng baril at iba pang armas sa loob ng sabungan.
Paalala ng pamunuan sa mga mananaya na tiyaking naaayon sa kanilang kakayahang pinansyal ang halagang itataya upang maiwasan ang labis na pagkakautang at pagkalugi, ang sabong umano ay isang libangan at hindi isang bisyo.