Advertisers

Advertisers

USAPANG SORSOGON

0 62

Advertisers

Nasa dugo ng Pinoy ang ugaling masunurin, magalang, mapagkumbaba at mapagpatawad sa salang gawa. Ang mga katangiang banggit ang nagamit ng mga tampalasang politiko sa pagtutulak ng sariling layon upang mang-isa at ‘di maki-isa. Sa maraming pagkakataon, ginamit ng politiko ang mga katangian banggit upang makuha ang ibig, ang maging halal na punong bayan, halal na kinatawan at halal na punong panlalawigan . Sa kasawiang palad, naging karaniwang kalakaran sa ibaba ng lipunan ang panlililo sa tao sa laylayan sa pananatili sa pwestong natanganan. Samantala, nananatiling kapus palad, naghihirap si Mang Juan na kayod ng kayod at walang matuko. Habang ang mga manlililo’y (politiko) ganap ang marangyang buhay na labas masok saan man maibigan. Ang masakit, naka-atang sa balikat ng mamamayan ang bayarin o tustusin habang nag-iisip sa kinabukasan kung may makakain o saan pupulutin. At kapansin-pansin ang pagsakay ng balalay ng politiko’y sa pakikihati sa mga kasaganahan at sa madaling panahon sila ang sasalinan ng kagalingan.

Sa kaBicolan, nabahagi ng kaibigan ang pagbabago sa lalawigan ng Sorsogon na ‘di matatawaran. Ganap ang ganda na mapapansin higit ang mga bagong kakalsadahan na nagpabilis sa paglalakbay sa lalawigan. Silip ang ganda ngunit ‘di ganap ang kasiyahan ng mga taga Sorsogon sa maraming dahilan na ‘di maipaliwanag ng lideratong minsang balalay ng senador na kalalawigan.. Sa pagsasaliksik natukoy ang kasalukuyang punong lalawigan na nagtanim ng ngalan at ‘di naglaon nag-aani, naging punong bayan ng Casiguran. Nagpatuloy sa paghahasik ng punla hanggang at ilang ulit na inihalal bilang punong bayan. Namayagpag sa pwestong tangan at ‘di nagtagal maging ang mga kamag-anak, asawa o kapatid ay naging halal na lingkod bayan sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Sorsogon.

Sa pagiging malapit sa senador na minsan naging punong lalawigan, sinakyan ang pagkakataon hanggang maabot ang kasalukuyang pwestong tangan. Ang kagalingan ‘di na lang ang sariling Amor ang naglakbay, muli, ang kapatid, anak at asawa’y naging lingkod bayan sa iba’t ibang bayan at sa Lunsod ng Sorsogon. Ang paghawak o pamumuno sa mga bayan at sa lalawigan ang nagpalaki sa ulo na tila nagkasungay at naulinigan na maari nang kalusin ang lahi ng dating amo at ang sariling lahi ang hahawak sa lalawigan ng Sorsogon. Sa totoo lang sa darating na halalan, ibig sunugin ang impluwensiya ng lahi ni Keso sa lalawigan. At madaling pabulaanan ang banggit sa una na kailangan magpalalim ng pag-uusisa ang kampo ni Keso sa pagbabalik bilang puno ng lalawigan. At magkakasubukan ang dating mag-amo kung maghaharap sa isang halalang lokal.



Sa pananaliksik sa mga tangan na pwesto ng ma-amor sa lalawigan, nabatid na ‘di lang ang pwestong tangan ang lumago, dumami ang pag-aari mula lupa, naglalakhang bahay at kaperahan. Sa nakuhang tala, napakarami ng bilang ng sasakyan na aabot sa labing anim na may iba’t – ibang ngalan at itsura. Karagdagan, mangha ang taga-lalawigan at nagtatanong kung saan napunta ang isang malaki at matandang puno ng Narra na nagkaka-edad ng mahigit na dalawang daan taon ng magpalawak ng kakalsadahan ang puno ng lalawigan. Ang pagbabago o kaunlaran ba’y kailangan na may epekto sa kapaligiran higit sa punong simbolo ng kasaysayan ng lalawigan. Sa totoo lang, nanghihinayang ang mga matatanda ng lalawigan kung bakit tinagpas ang banggit na puno gayung matanda pa ito sa kanila. Ang masakit ‘di batid kung saan inilagak ang katawan ng punong ‘di mayakap kahit ng ilang tao. Ang higit na pinagtataka ng mga lokal sa Sorsogon, maging ang ugat ng banggit na puno ‘di nalaman kung saan napunta. Sabalit silip ang dinding ng tahanan ng may-amor na gobernador na pinalibutan ng primerang uri ng kahoy.

Sa kabilang banda, silip ang paglalagay o pagbuo ng bagong kakalsadahan sa kabundukan tungo sa bulkan ng Bulusan. Ang masakit, pareho ang usapin, nahan ang malalaking puno na ikinarga sa mga truck na malapit sa tahanan ng puno ng lalawigan. At karagdagang tanong, batid ba ito o ng Reg. DENR? Bakit nabigyan ng pahintulot na putulin ang mga nagtatandaang punong kahoy na sagka sa bagyo maging sa dadaloy na lahar kung sumabog ang bulkang Bulusan. O’ totoo ang naulinigan na madalas ang pagbisita ng tauhan ng DENR sa puno ng lalawigan. Hindi ganap ang pagdududa, ang magbigay linaw ang mga tao sa Reg. DENR sa naganap na pagpapagawa ng kakalsadahan sa banggit na lalawigan. At maari maglinaw ang Reg. opis ng DPWH sa kaganapan.



Sa salita dila ng taga-Sorsogon malinaw na “INHADIAN” ng puno ng lalawigan ang Sorsogon at ‘di malayo na malulusaw ang paghawak ni Keso higit nalalapit na banggaan ng dating mag-amo/ magkakampi. Sa pagsasaliksik ang ibig sabihin ng “inhadian” sa tagalog ay pinaghaharian. At sa totoo lang, isang barangay ang INHADIAN na pinagharian ng ma-amor na puno ng lalawigan ngunit o ‘di sa kasalukuyan, ang buong lalawigan ang pinaghaharian ng may amor na gobernador. At ganap ang paghahanda ng punong lalawigan sa pakikipagharap kay Keso. Hindi nagigitla ang dating bata ni Keso sa darating na paghaharap dahil nakapag-handa na sa pakikipagtuos sa lahi o maging kay Keso. At may yabang na kahit senador ang puso sa lalawigan ng Sorsogon hindi yuyuko ang higit sa dami ng nakaupong kalahi at dami ng salaping nakalap. Sa totoo lang, oras lang ang hinihintay ng punong lalawigan sa pakiki pagbangga sa dating amo / kakampi.

Sa katunayan, ang usapin sa politika’y labanan ng mga lilo at walang kamag-anak, kaibigan o kakampi, ang nanatili sa nakuhang pwesto ang dulo at kasagsagan ng kagalingan. Ito ang natikman o nakamit ng may amor-sa Sorsogon. At ‘di malayo na pupulutin sa kangkungan ang lahi ni Keso higit kung magpapabaya sa darating na mga araw kung saan ibababa ang maraming pang-akit na programa ng magkakaribal sa pagka puno ng lalawigan. Walang masamang tinapay na naranasan sa pagpapa-abot ng ilang kaganapan sa lalawigan higit ito’y pagmumulat sa uri ng lider na dapat ihahalal. Ang artikulo’y pagpapabatid na dapat pag-isipan ng taga-Sorsogon ang tamang lider na iluluklok para sa kagalingan ng lalawigan. Ang pagmumulat sa mga manghahalal ang ibig paratingan ng masuri ang kagalingan na inilalapit ng mga lider na nasiyahan sa pwestong tangan. Usapang Sorsogon ang tala at ang pasyang gagawi’y sa kagalingan ng lalawigan at ng mga naninirahan.



Maraming salamat po!!!!