Advertisers

Advertisers

ISKO, BITBIT ANG MAYNILA SA PAGHUBOG NG KINABUKASAN NG ASEAN!

0 11

Advertisers

Hindi lamang karangalan para sa Maynila ang maging punong-abala sa 2026 ASEAN Governors and Mayors Forum (AGMF) at Meeting of the Governors and Mayors of ASEAN Capitals (MGMAC).

Isa rin itong patunay na kinikilala ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa paghubog ng kinabukasan ng rehiyon ng Southeast Asia.

Sa pangunguna ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, matagumpay na natipon sa Maynila ang mga gobernador at alkalde mula sa iba’t ibang bansa sa ASEAN upang pag-usapan ang mga konkretong hakbang tungo sa mas mapayapa, maunlad at makataong pamayanan.



Mahalaga ang mensaheng iniwan ni Mayor Isko sa naturang pagtitipon: “National visions give us direction, but local governments give those visions a destination.”

Sa madaling salita, maaaring maglatag ng malalaking plano ang mga pambansang lider, ngunit ang tunay na pagsasakatuparan ng mga ito ay nakasalalay din sa mga lokal na pamahalaan na direktang nakikipag-ugnayan at naglilingkod sa mamamayan.



Tama naman ang punto ng alkalde.

Sapagkat sa araw-araw na pamumuhay ng mga ordinaryong tao, hindi mga deklarasyon sa mga summit o magagandang dokumento ang kanilang hinahanap. Ang kailangan nila ay maayos na kalsada, ligtas na komunidad, abot-kayang pabahay, de-kalidad na serbisyong pangkalusugan, edukasyon, trabaho at mabilis na pagtugon sa panahon ng kalamidad.



Ito rin ang binigyang-diin ni Mayor Isko nang sabihin niyang hindi dapat masukat ang tagumpay ng ASEAN sa mga kasunduang nilalagdaan kundi sa dami ng buhay na napagbubuti ng mga ito.

Kapuri-puri rin ang naging papel ni Vice Mayor Chi Atienza na nanguna bilang chairperson ng forum at namahala sa pagtalakay sa mga mahahalagang prayoridad ng mga lokal na pamahalaan.

Isa sa mga naging sentro ng talakayan ang tinatawag na Prosperity Corridors, partikular ang pagpapalakas ng digital economy at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa maliliit na negosyo.

Hindi rin basta salita ang ipinagmamalaking digital transformation ng Maynila. Itinampok ni Atienza ang GO Manila app, electronic Business One-Stop Shop o eBOSS na nagsisilbi sa mahigit 55,000 rehistradong negosyo, gayundin ang mga programang digital literacy na inilunsad sa pamamagitan ng City Library at Mobile Learning Center.

Malaking bagay ang ganitong mga inisyatiba dahil sa ASEAN, umaabot sa tinatayang 70 milyon ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) na bumubuo sa malaking bahagi ng hanapbuhay sa rehiyon.

Isa pang mahalagang bunga ng pagtitipon ang pag-aampon sa Manila Declaration, na nagtatala ng nagkakaisang paninindigan ng mga lokal na lider ng ASEAN upang suportahan ang Community Vision 2045.

Hindi lamang ito isang kasunduang nakasulat sa papel. Hamon ito sa bawat lungsod at pamahalaan na isalin ang mga napagkasunduan tungo sa mga programang may tunay na pakinabang sa mamamayan.

Sa katunayan, malinaw ang mensahe ni Mayor Isko: hindi tunay na progresibo ang isang lungsod kung mas mabilis pang tumataas ang mga gusali kaysa sa antas ng pamumuhay ng pinakamahihirap nitong pamilya.

Isang pahayag na dapat pag-isipan hindi lamang ng mga alkalde kundi maging ng mga opisyal ng pamahalaan sa lahat ng antas.

Dahil ang tunay na pag-unlad ay hindi lamang nasusukat sa matatayog na gusali, malalaking proyekto o bilyun-bilyong pisong pamumuhunan.

Mas mahalaga kung nararamdaman ito ng bawat pamilya, lalo na ng mga higit na nangangailangan.

Sa kabuuan, naging makabuluhan ang pagho-host ng Maynila sa makasaysayang pagtitipong ito. Hindi lamang nito ipinakita ang kakayahan ng lungsod na magsilbing sentro ng mahahalagang pandaigdigang talakayan, kundi naipamalas din ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan.

At ngayong ipinasa na sa Singapore ang pagho-host ng susunod na forum sa 2027, malinaw ang hamong iniwan ng Maynila sa mga kapwa lungsod sa ASEAN: ang kooperasyon ay hindi dapat nagtatapos sa mga summit.

Dapat itong magpatuloy sa araw-araw na paglilingkod.

Sa huli, hindi pangalan ng lungsod o ranggo ng isang alkalde ang tunay na sukatan ng pamumuno. Kundi kung ilang buhay ang nabago, ilang pamilya ang natulungan at ilang mamamayan ang nakinabang sa bawat programang ipinapatupad.

Iyan ang tunay na diwa ng mabuting pamamahala na ipinakilala ni Yorme Isko sa kapwa niya lider sa ASEAN.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.