Advertisers
Pormal nang sinampahan nitong Lunes ng kasong homicide ang salarin sa pananaksak sa live-in partner sa bayan ng Don Carlos, Bukidnon noong Sabado.
Ito ay matapos na walang-awa at brutal na na-patay ng salarin na si Elson Erap Jamisula, 27 anyos, at residente ng Poblacion Sur, Don Carlos sa Bukidnon ang kinakasama na si Kimberly Achas, 22 anyos, at 3rd year college student.
Batay sa report ng Don Carlos Municipal Police Station, 3:10 ng hapon nang maganap ang krimen sa loob ng bahay ng tiyuhin na si Bobong Jamisul.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen kinausap ng biktima ang salarin na muli itong pumasok sa rehabilitation center dahil sa lumalala na naman ang paggamit nito ng iligal na droga subali’t tumanggi ito.
Umuwi ang salarin sa kanilang bahay at naabutan nito ang ina ng biktima at kumare na nag-uusap sa loob ng kanyang bahay.
Kwento ng ina ni Achas, pinalabas sila ng bahay ng salarin at ikinandado ang pintuan ng bahay.
Base sa kuha sa CCTV, karga ng biktima ang kanilang 9-buwan ng anak at kinuha ito ng salarin at inilagay sa sofa dahilan para mahulog ang bata.
Hindi pinansin ang pagbagsak ng kanilang anak at kinaladkad nito ang biktima saka pinagsusuntok at nagbasag ng salamin.
Kinuha ng salarin ang basag na salamin at pinagsasaksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima .
Sinabi pa ng ina ng biktima na naririnig nilang humihingi ng tulong ang anak at pilit nilang binubuksan ang pintuan subali’t hindi ito mabuksan.
“Hinostage daw niya sa loob iyong maybahay niya tsaka iyong anak niya kaya agad kami nagresponde doon,” pahayag ng Don Carlos deputy chief of police Police Captain na si Angel Winston Alon Salvacion.
Humingi na sila ng tulong sa pulisya subali’t pagdating sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakatakas na ang salarin habang dinala naman sa ospital ang naliligo sa sariling dugo na biktima at kanilang anak.
Pagdating sa Don Carlos Doctor’s Hospital sa Bukidnon idineklara na rin itong patay ng umatending doktor na si Dr. John Mark Reynold Balaba sanhi ng 16 na saksak sa leeg.
Nasa ligtas na kalaga-yan ang anak ng biktima.
Sinasabing nasa ilalim ng impluwensya ng iligal na droga si Jamisula nang mangyari ang krimen.
Ayon sa mga kaibigan ni Jamisula at mga imbestigador ng Don Carlos Police Station na lasenggero ang salarin at kapag nasa impluwensya ng alak gumagamit din umano ito ng shabu.
Sa ngayon, nakakustodiya na sa Don Carlos Municipal Police Station si Jamisula hinggil sa karumal-dumal na krimen.