Advertisers

Advertisers

Virtual orientation sa tamang pagtatapon ng basura, isinagawa sa Caloocan

0 161

Advertisers

Nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng virtual orientation sa tamang pagtatapon ng basura sa mahigit 400 magulang na pinuno ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) bilang bahagi ng Family Development Sessions (FDS).

Pinangunahan ng Caloocan City Social Welfare Development Department (CSWDD) at ng City Environmental Management Department (CEMD) ang naturang pagpupulong.

Ayon kay Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, sa pamamagitan ng FDS, napapahusay ng lungsod ang kapasidad ng mga miyembro ng 4Ps nito sa pagbibigay ng pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Nagsisilbi rin itong daluyan upang hikayatin ang kanilang pakikilahok sa mga isyung panlipunan at mga planong pangkaunlaran ng lungsod.



Sinabi pa ng local chief executive na patuloy na magsasagawa ng clean-up drives ang lokal na pamahalaan, ngunit sa pagtutulungan ng publiko, magiging mas mabilis at mas madali ang pagpapanatili ng kalinisan ng lungsod.

“Sa pamamagitan ng FDS mas napapalawak po natin ang kakayahan ng mga miyembro ng 4Ps upang mabigyan sila ng karagdagang kaalaman sa pagtugon sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya, at nahihikayat sila na makiisa sa mga isyu sa ating lipunan at maging sa pagpapaunlad ng ating siyudad, ” wika ni Mayor Along.

“Gawin po nating ang ating bahagi upang matupad ang pangarap natin na mas maging maayos ang Caloocan. Patuloy po naming lilinisin ang lungsod subalit mas mapabilis at mapapanatili po natin ito kung tutulungan niyo kami,” dagdag pa ni Malapitan.

Samantala, umaasa ang City Environmental Management Department Head na si G. Paul Ryan Castillo na ang kanilang mga kalahok, nakakuha ng mga bagong pag-aaral at mailalapat ito sa kanilang mga tahanan at komunidad. Dagdag pa rito, ipinahayag ni Castillo na may malaking bahagi ito sa kanilang paghahanda sa darating na tag-ulan, dahil hindi lamang pagbaha ang mababawasan kundi maging ang pagkalat ng mga sakit na dulot ng polusyon.

“Sana po madami kayong natutunan mula sa amin, sana ay ma-apply po natin ito sa ating mga tahanan at komunidad. Malaking bahagi po ito ng ating pagsisikap at paghahanda sa panahon ng tag-ulan, bukod sa pag-iwas sa baha, tiyak na makakaiwas din tayo sa mga sakit na dala ng basura,” wika ni Castillo.



Bukod dito, pinaalalahanan ni Caloocan City Social Welfare Development Department Action Officer G. Roberto Quizon ang lahat na ang kapaligirang pinangangalagaan ngayon ipapasa sa susunod na henerasyon. Hinikayat din niya ang lahat na makipagtulungan sa pamahalaan sa pagtataguyod ng mga layunin nito sa kapaligiran.

“Ang kalikasang pinangangalagaan natin ngayon ang mamanahin ng mga anak at apo natin. Kaya naman hinihikayat natin ang bawat indibidwal na makiisa sa magagandang layuning pangkalikasan ng ating pamahalaang lungsod,” pahayag pa ni Quizon.