Advertisers
PORMAL nang pinagtibay ng Kamara sa kanilang pagbabalik sesyon ang pagluklok kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang bagong house speaker nitong Martes, Oktubre 13.
Kasabay nito ay isa-isang nagpahayag ng suporta ang partyblocs sa Kamara tulad ng Liberal Party, Nationalists Party Coalition, PDP-Laban, Hugpong ng Pagbabago, Partylist Coalition, Northern Luzon, Visayas at Mindanao blocs at iba pa.
Sa kanyang speech bilang bagong lider ng Kamara, humingi si Velasco ng paumnahin kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa nadamay pa ito sa isyu ng term-sharing agreement.
Mas maraming kongresista naman ang nakadalo sa sesyon dahil binuksan na rin ang gallery upang maipatupad pa rin ang social distancing at ma-accommodate pa rin ang maraming mambabatas na nais dumalo sa sesyon.
Sa pamamagitan naman ng FB Live ay inihain ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang kanyang irrevocable resignation bilang house speaker.
Pinasalamatan ni Cayetano si Pangulong Duterte dahil sa tiwalang ibinigay sa kanya sa mga nakalipas na taon lalo na noong kinuha siya nito bilang Vice presidential candidate noong 2016 elections hanggang sa nabigyan ng pagkakataon na maging kalihim ng Department of Foreign Affairs at kalaunan ay lider ng Kamara.
Pero humihingi rin ito ng paumanhin sa Pangulo dahil sa mali ang kanyang pagkakaintindi na nais nitong ituloy ang pagtalakay at pagpasa sa 2021 national budget.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Cayetano sa mga sumusuporta sa kanya sa Kamara, pero umapela ito na suportahan na lamang ang proseso ng budget. (Henry Padilla)