Advertisers
BAGO na ang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa katauhan ni P/MGen. Benjamin Acorda Jr., miyembro ng Class ’91 ng prestihiyosong Philippine Military Academy (PMA). Ayon sa ulat ay rekomendado siya ng powerful Ilokano block kay Pangulong Ferdinand “Bongbong Marcos Jr.
Pinalitan ni Acorda Jr. ang kapwa Ilokanong kareretirong si Gen. Rodolfo Azurin Jr., sa ceremonial change of command na ginanap noong April 24 sa PNP oval, Camp Crame, Quezon City, na dinaluhan mismo ng Pangulong Marcos at ng mga matataas na opisyales ng gobyerno.
Hindi nagkamali ng pagtataya ang inyong lingkod, walang binatbat ang tikas, husay at achievement ng iba pang mga heneral kumpara sa namumukod na katangian na pagiging isang full-bloodied Ilokano ni Acorda Jr.
Kauna-unahang hepe ng Pambansang Kapulisan sa ilalim ng Marcos administration, nilisan ni Azurin Jr. ang kanyang pwesto na lugmok na lugmok ang imahe dahil sa ulat na pagkakasangkot ng maraming opisyales ng kapulisan sa ibat-ibang uri ng korapsyon at katiwalaan, dalawa pa rito ay heneral na hinihinalang dawit sa kontrobersyal na 990 kilos na shabu bust noong October 22, 2022 sa Tondo, Manila.
Sa naturang police operation ay nadakip ang isang Sgt. Rodolfo Mayo na ang pag-aaring money lending office sa Tondo ay nakitaan ng bulto-bultong shabu na sa evidence spot inventory ay umabot sa 990 kilos, pero iniutos ni DILG Sec. Benhur Abalos na imbestigahan dahil sa ulat na nagkaroon ng hokus-pukos, nabawasan ang kumpiskadong droga at tinangka pang palitawing bida si drug trader na sarhento.
Dahil sa usapin ay inirekomenda ni Azurin Jr. kay Abalos ang voluntary resignation ng mahigit sa 990 din na 3rd level police official na kinabibilangan ng mga heneral at colonel para bigyang daan ang paglilinis sa hanay ng kapulisan o isinasagawang internal cleansing upang matanggal ang mga korap na opisyal na nagbibigay ng problema sa PNP.
Kasunod ng kahilingan ni Abalos na boluntaryong pagbibitiw sa kanilang mga pwesto ng heneral at colonel, ay ang pagbubuo ng five-man panel na sisilip sa mga kalokohan ng nabanggit na opisyales na magiging basehan sa ikinasang paglilinis sa pulisya.
Ngunit noong nakaraang lingo lamang ay inilabas na ng special investigation task force na binuo ng DILG at PNP ang resulta ng kanilang imbestigasyon hinggil sa 990 kilos shabu seizure na nagbunsod sa utos na kasuhan ang 42 PNP official at miyembro nito na kinakitaan ng pagkukulang at kapabayaan hinggil sa naturang insidente.
Kasabay ng Special Investigation Task Force Probe ng PNP ay ipinag-utos din ni Abalos ang pagbibitiw sa kanilang mga puwesto nina LtGen. Benjamin Santos at PNP Drug Enforcement Group Chief, Carlito Domingo dahil sa paratang ng SILG Secretary na cover-up sa investigation sa 990 kilos shabu seizure.
Pero deny to death sina Santos at Domingo sa akusasyong cover-up sabay ng pahayag na alam ni Azurin Jr., ang kanilang naging papel sa pinagbabatayang police anti-drug operation, kaya anila, hindi sila dapat sisihin sa kanilang ikinilos pagkat naayon naman sa itinakda ng operational command ng PNP.
Hindi lamang ang 990 kilos shabu haul, kundi marami pang mga suliranin sa PNP ang lumutang nang maupong pinakamataas na pinuno ng Pambansang Kapulisan si Azurin Jr., noong August 2022 at kung babalikan ay angkop na angkop ang ang sinabi ni ex-PNP Chief ngayon ay Senador Bato Dela Rosa, walang aksyon, walang arrive ang liderato ni Azurin Jr. dahil nagpipyesta ang operasyon ng mga kailigalan at kaliwat’t-kanan ang insidente ng kriminalidad na kundi man kulang ay walang ginagawang hakbang ang kapulisan.
Kaya, bilang dating PNP Chief walang ibang dapat sisihin ang taumbayan kundi si Azurin Jr. na nagpakita ng kapalpakan at kahinaan dahil hindi nagawa ang kanyang mandato bilang lider ng mayroong 128,000 strong PNP force, dahil ika nga sa popular na slogan- “natutulog sa pansitan”.
Maituturing na hindi action man si Azurin Jr., dahil hindi o ayaw nitong umaksyon sa mga sumbong na nagkalat na illegal vices sa NCR, CALABARZON area, Region 1, 2, 3 at iba pang rehiyon sa kapuluan. Umalis si Azurin Jr. na magulo ang PNP kaya hamon sa kauupong PNP Chief Benjamin Acorda Jr. maging action man siya – sinupin at iahon nito ang nakasadlak na imahe ng PNP at pakinggan ang hinaing ng mga mamamayan.
Bilang panimulang hakbang ni PDG Acorda Jr., kalampagin nito ang kauupong PNP Region 4A Director, PBGen. Carlito Gaces para uriratin ang kanilang mga PNP provincial director sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon kung saan hinding-hindi naisaayos ni Azurin Jr. ang peace and order situation sanhi ng di masupil na operasyon ng mga pasugalang front ng kalakalan ng droga.
Unikong dapat patutukan ni PDG Acorda Jr. kay Gaces ang operasyon ng STL- con jueteng, pergalan (perya at sugalan) na karamihan pa ay ilang police scalawag ang operator, saklaan, paihi, illegal logging at iba pang uri ng kriminalidad.
Ang mga sugalang may shabuhan na hawak ng ilang nalilihis ng landas na mga pulis ay ang mga pergalan sa Brgy. Sinisian sa bayan ng Lemery, Brgy. Talaibon, Ibaan, Brgy. San Carlos, Rosario, Brgy. Lumbang at San Salvador, parehong sa Lipa City at Poblacion Lobo katabi lamang ng Municipal Police Office, Brgy. Caybunga at Lanatan sa bayan ng Balayan at Brgy. Putol at Brgy. Palico, parehong sa bayan ng Tuy, pawang sa Batangas. Sa Lucena City Proper, Quezon Province, ang kinikilalang pinakamalaking pergalan sa R4A ay pinatatakbo naman nina alias Hajie Tomboy at ng kasosyo nitong beteranang pergalista.
Ilan pa lamang ito sa patikim- pasalubong kina PDG Acorda Jr. at RD4A PBGen. Gaces. May karugtong…
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com / Cp. No. 09664066144.