Advertisers
PATULOY tayong nakatatanggap ng reklamo hinggil sa umano’y inu-umagang na sugalan na kung tawagin ay drop ball, color games, roleta at iba pa sa lalawigan ng Bulacan.
Hiniling ng konsumedong mga residente na kalampagin ko raw sina Bulacan PNP Provincial Director PCol Relly Arnedo at PRO-3 Regional Director PBGen. Jose S. Hidalgo Jr., na ipatigil ang perwisyong sugal na matatagpuan sa Burol 2nd Balagtas, Barangay Buwisan Bustos, Barangay Sto Cristo Baliwag, Barangay Masuso Pandi, Bulacan na bukod sa madalas ang kaguluhan at tinatambayan ito ng mga adik.
Giit nila ang umano’y pananahimik ng mga nabanggit na official’s gayong lantaran sa kanilang hurisdiksyon ang operasyon ng inu-umagang sugal na kung tawagin ay ‘Pergalan’ na ang iba ay nasa tabi mismo ng munisipyo, barangay hall at police station.
Anila hindi umano naging epektibo ang “No Take” Policy at “Internal Cleansing” ni PNP Chief, Gen. Benjamin Acorda Jr., maging ang babala nito sa kapulisan na tatanggalin at kakasuhan ang sinomang pulis na sangkot o protektor ng sugal.
Tila balewala rin ang ‘marching order’ ni Acorda na nagbabawal sa lahat ng mga opisyal ng kapulisan na tumanggap ng pabor (PAYOLA) mula sa mga gambling operator.
Dagdag pa nila, hindi umano kinonsidera ng kapulisan ng Bulacan ang kapakanan ng mamamayan na naghihikahos na nawalan ng trabaho at pangkabuhayan dulot ng nagdaang pandemya bagkos ay itinutulak pa umano ang mga ito sa bisyong sugal na dapat sanay pambili na lamang ng bigas.
Saganang akin, diba kaakibat ng pamumuno sa organisasyon ay ang responsibilidad at ang mabigat na pananagutan, kaya ang PNP regional director, provincial director at mga chief of police na nabigyan ng kapangyarihan sa bisa ng mandato ng “police service” ay may pananagutan batay na rin sa doktrina ng command responsibility.
Kaya kung sakaling may pagkukulang at pagpapabaya nga dito sa kanilang tungkulin ang nabanggit na police official na nakasasakop sa mga nabanggit na lugar dahil sa ‘di pag-aksyon nito laban sa magdamagang operasyon ng sugal, ay pagpapabaya sa tungkulin ang tawag dito.
Tama ba ako, General Hidalgo at Col Arnedo, mga Sir!
***
Suhestyon at Reaksyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com. – Ugaliin ring makinig sa programang “BALYADOR” mula lunes hanggang biyernes 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing miyerkules 9:00am-10:00am sa 96.9 FM Radyo Natin Calapan City, Oriental Mindoro at tuwing Sabado 9:00am-10:00am sa DWBL 1242 kHz AM Mega Manila. Mapapanood live sa Facebook at Youtube chanel.