Advertisers
NAGLABASAN patungo sa ligtas na lugar ang mga kagawad ng media, kawani ng Malacañang at guwardiya na nasa First Residences (FR) sa Jose Laurel Street, San Miguel, Maynila kasunod ng pagtama ng malakas na lindol na yumanig sa maraming lugar sa Luzon.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tectonic ang pinagmulan ng lindol na may lalim na 119 kilometro at naganap bandang alas-10:19 ng umaga sa layong 15 kilometro sa timog kanluran ng rehiyon.
Natukoy ang sentro ng magnitude 6.3 na pagyanig sa Calatagan, Batangas.
Naramdaman ang lindol sa maraming lugar sa Luzon at maging sa National Capital Region (NCR).
Pansamantalang nag-oopisina sa FR ang ilang mga kawani ng Palasyo at maging ang mga kasapi ng Malacañang Press Corps (MPC) na pinamumunuan ni Ms. Chona Yu ng Radyo Inquirer dahil sumasailalim sa retrofitting ang New Executive Building (NEB) na antigong gusali na naitayo noong panahon pa ng ama ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na si Ferdinand Sr.
Dahil sanay na naman sa taunang earthquake drill bilang paghahanda sa mga hindi inaasahang sakuna tulad ng ‘The Big One’, mahinahong lumabas ang mga kawani at guwardiya sa gusali.
Ayon naman kina Mr. Nestor Corrales ng Philippine Daily Inquirer at Ms. Cath Valente ng The Manila Times, makalipas ang tinatayang 20 minuto, kasama sila ay pinabalik naman sa kani-kanilang opisina ang mga apektadong indibidwal.
Wala naman sa FR ang iba pang mga miyembro ng MPC nang tumama ang lindol dahil nasa Shangri-La The Fort sa Taguig ang mga ito at nagko-cover sa isang aktibidad na dinadaluhan ni PBBM noong mga oras na iyon.
Sa kabila ng pagyanig, natapos naman ng Pangulo ang ambush interview sa kanya ng mga mamamahayag at nalaman na lamang nito ang nangyari matapos ang aktibidad.
Samantala, sa ngayon, inaalam pa kung may mga napinsala sa mga gusali ng Malacañang tulad ng NEB, Mabini Executive Bldg., Kalayaan Bldg. at iba pa dulot ng pagtama ng lindol. (Gilbert Perdez)