Advertisers
Nag-iiyakan na umano ang lahat ng mga vendor sa Quiapo partikular na sa Plaza Miranda dahil sa patakarang pinapatupad ng anti-vending team na sa kanilang pakiramdam ay hindi na karapat-dapat.
Unang-una sa patakarang ito ay hinggil sa tarang hinihingi sa kanila araw-araw na saksakan daw ng laki na halos sila na lang ang pinaghahanapbuhay.
Siyempre mag-uumpisa umano ito sa dala mong bilao, payong, kariton at kung anu-ano pang karag-dagang bayad base sa iyong kalakal at espasyong kakainin.
Nag-uumpisa daw sa 20 pesos hanggang 150 pesos o’ higit pa ang kanilang binabayad araw-araw sa anti-vending team na pinamumunuan ng isang Chairman Bunny at dalawa pang Chairman na luma-labas na kanyang mga deputy.
Wala daw past dito sa vending team na ito at mas lalong walang pakiusap. Obligasyon daw nilang mag-bayad ng tara lugi man o’ panalo ang negosyo.
Ang hindi daw sumunod sa patakaran ay giba sigurado o’ di kaya’y kumpiskado ang inyong kalakal at dala-dalahan.Ganyan daw kalupit itong si Chairman Bunny at mga tauhan nito.
Mukhang naka team-up daw ang anti vending team na ito sa DPS na taga-giba at taga kumpiska ng mga kalakal sa tuwi-tuwina.
Permanente na daw yata itong si Chairman Bunny sa Plaza Miranda na kung saan limang taon na itong namamayagpag sa kanyang posisyon.
Mulat-sapul pa anila ay hindi na inalis ang kubol nito sa Calle Carriedo malapit sa panulukan ng Rizal Avenue sa loob din ng halos limang taon.
Sinabi ng mga vendor na itong si Bunny ay isa sa mga trusted man ni Yorme Isko Moreno kung kaya’t pagkapanalo pa lang nito bilang Alkalde ay inatasan agad itong anti-vending chief sa Plaza Miranda.
Mantakin niyong pagkapanalo pa lang ni Yorme ay dyan na agad siya sa Plaza Miranda hanggang sa kasalukuyan na si Mayora Honey Lacuna na ang bagong mayor ay siya pa rin tsk… tsk… tsk…
Kung sa kapulisan o maging sa militar at sa anong sangay man ng gobyerno ay may nagaganap na re-shuffle, dito lang daw yata sa Plaza Miranda tila permanente na ang nakaupo na walang pwedeng pumalit kahit sino.
Sigurado daw na malakas ang endorser nitong si Chairman Bunny na hindi pwedeng tanggihan at hindian. May posibilidad din daw na pagtanaw ito ng utang na loob ng bagong administrasyon ng Lungsod ng Maynila.
Sa puntong ito ay maiiwanan pa kaya ni Chairman ang Plaza Miranda gayong dito niya naranasan ang everyday harvest time sa kanyang tabakuhan.
Ganon pa man ay umaasa pa rin ang maraming mga vendor na magkakaroon ito ng kapalit na hindi man anila kagalingan ay siguradong mauunawaan ang kanilang kalagayan at pinagdaanan.