Advertisers
TODAS ang isang lider ng New People’s Army (NPA) at apat ang sumuko nang makasagupa ang tropa ng pamahalaan sa Casiguran, Sorsogon.
Kinilala ang nasawi na si Fernando Dialogo alyas “Karen/Jepoy/Enkar”, Commanding Officer ng PLTN1/SDG, KLG1, SRC3 ng Bicol Regional Party Committee (BRPC).
Nasa kustodiya naman ng 31st IB PA ang mga sumukong tauhan ni Dialogo.
Sa pinagsanib na puwersa ng 31st IB Philippine Army, Sorsogon PPO, RIU5, PIU Sorsogon, Sorsogon 1st PMFC, 504th RMFB5, Gubat MPS, Casiguran MPS at 92nd SAC SAF, 7:30 ng umaga ng Sabado naganap ang sagupaan sa Sitio Marinas, Barangay Boton, Casiguran. Tumagal ng 20 minuto ang palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ni Dialogo.
Nakuha sa lugar ang isang M16 rifle na may dalawang magazine at mga bala, isang ICOM radio, detonating switch, 2 molotov, isang bandolier, at personal na kagamitan ng mga nagsitakas na rebelde.
Ayon kay PNP Chief, General Benjamin Acorda, isisilbi sana ang 8 arrest warrant laban kay Dialogo nang magkabakbakan.
Kabilang sa mga kaso laban kay Dialogo ang 5 murder, 1 paglabag sa anti-terrorism law at 2 sa firearms and ammunition law.
Samantala, sa magkahiwalay na operasyon nadakip rin ang isang hinihinalang opisyal ng CPP-NPA na kinilalang si Romeo Cudal alias Mon sa Quirino province at may pabuya na P750,000 sa ikadarakip nito.
Nahaharap di Cudal sa kasong multiple murder at direct assault with murder.