Advertisers
INIREKOMENDA ng mga state prosecutor sa Bangsamoro ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa isang alkalde sa Basilan at ilang kamag-anak nito dahil sa pagkakasangkot sa isang madugong pag-atake na may kaugnayan sa halalan, ilang oras bago ang botohan noong Mayo 12, 2025.
Ayon sa mga ulat noong Biyernes, Agosto 7, 2026, binanggit sa resolusyon ng Regional Prosecution Office 14 (RPO 14) sina Arsina Kahing Nanoh, alkalde ng Hadji Muhtamad; asawa niyang si Nadz Nanoh; at mga kamag-anak na sina Walihiul Allama, Hadji Rahim Kahim, Lucman Kahim, Tudy Bayro at Sing Hassan, kasama ang iba pang hindi pa nakikilalang suspek na tinukoy bilang “John Does.”
Inirekomenda ng mga prosecutor ang pagsasampa ng tatlong bilang ng murder, d2 bilang ng frustrated murder at isang bilang ng attempted murder laban sa mga respondent.
Sakop ng RPO 14 ng Department of Justice ang limang lalawigan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)—Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Basilan at Tawi-Tawi—gayundin ang mga lungsod ng Lamitan, Marawi at Cotabato, kungsaan matatagpuan ang regional capitol ng BARMM.
Nakuha ng mga mamamahayag noong Miyerkules ang kopya ng resolusyon ng RPO 14 hinggil sa case buildup laban kay Nanoh, isa sa 11 municipal mayors ng Basilan, at iba pang respondents. Nagmula ang mga kopya sa mga opisyal ng Police Regional Office-BARMM sa Camp SK Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte, at sa Western Mindanao Command ng militar sa Zamboanga City.
May petsang Hulyo 2, 2026 ang resolusyon at nilagdaan ng apat na opisyal ng RPO 14.
Ayon sa mga regional police official, may kaugnayan ang kasong inirekomenda ng BARMM prosecutors sa isang madugong pag-atake sa dagat bago magbukang-liwayway noong Mayo 12, 2025, malapit sa baybayin ng Barangay Sangbay Big sa Hadji Muhtamad.
Inatake ng mga armadong lalaki na sakay ng mga speedboat ang mga tagasuporta at poll watcher ni Hadji Jamar Abdullah Mansul, na noon ay kandidato sa pagka-alkalde. Ayon sa mga awtoridad, ang mga speedboat ay pagmamay-ari ng alkalde.
Tatlong pasahero ng pumpboat ang nasawi, sina Ben Bakil, Murasidol Abdurahman at Samir Jamiri Allil; sugatan sina Habir Alih at Saldi Alih.
Natalo ni Nanoh si Mansul sa 2025 mayoral race sa Hadji Muhtamad.
Ayon sa mga regional prosecutor, bagama’t wala si Nanoh sa lugar nang mangyari ang pag-atake, ipinapalagay na kabilang siya sa sabwatan laban sa mga biktima dahil sa alegasyon ng kanyang pagmamay-ari sa mga speedboat na ginamit sa krimen at sa malapit niyang relasyon sa mga salarin.