Advertisers

Advertisers

City employees, pundasyon at lakas ng local gov’t ng Maynila — Mayora Honey

0 136

Advertisers

ANG mga kawani ng lungsod ang siyang pundasyon at pinagmumulan ng lakas ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Ganito inilarawan ni Mayor Honey Lacuna ang mga kawani ng local government ng Maynila, kung saan tiniyak niya na lahat ay pantay-pantay at idadaan sa tamang proseso ang pagpili at promosyon.

Sa kanyang unang taon sa tanggapan, sinabi ni Lacuna na ang nasabing polisiya ay pinairal at ang mahalagang papel na ginagampanan ng Local and City Promo Board ay binigyan ng angkop na pagkilala.



“Kinikilala natin ang mahalagang papel ng Local at City Promo Board sa pagrerekomenda ng mga karapat-dapat na mga kawani sa lokal na pamahalaan. Hindi kailangan ng impluwensiya ng tanggapan ng punong lungsod o nang kung sino man,” pagtitiyak ng lady mayor.

Idinagdag pa ni Lacuna na: “Pinuhunanan natin ng atensyon ang ating mga kapwa kawani sapagkat higit kanino man, sila ang kasa-kasama natin sa bawat araw ng ating paglilingkod. Sila ang tunay na lakas ng pamahalaang lungsod.”

Ito, ayon sa kanya ang dahilan kung bakit sa unang araw niya sa tanggapan, ay personal niyang binisita ang iba’t-ibang tanggapan sa city hall upaang alamin ang kundisyon at sitwasyon ng mga kawani na umuukopa nito.

“Ipinadama natin ang pagkalinga sa ating mga kapwa lingkod-bayan sa pagbibigay-halaga sa kaayusan at kalinisan ng bawat tanggapan. Malaki ang paniniwala natin, na sa pagiging maayos at malinis, nagiging maayos din ang takbo ng ating isip, maaliwalas ang pakikitungo natin sa lahat at epektibo tayo sa pagtupad ng ating tungkulin,” sabi ni Lacuna.

“Isinakatuparan natin ang pagkakaroon ng lingguhang paglilinis sa loob at labas ng bawat opisina. Patuloy tayong nagpapatupad ng Friday Clean Up hindi bilang proyekto kundi bilang disiplinang magandang makasanayan ng bawat kawani ng pamahalaan,” dagdag pa nito.



Matatandaan na noong founding anniversary celebration ng Maynila noong nakaraang buwan, may kabuuang 576 na mga kawani sa city government ang kinilala sa kanilang mahabang panahon ng serbisyo at ginawaran ng “City Service Loyalty Awards.”

Mismong ang alkalde ang nanguna at kumilala sa mga kawani na nakapagserbisyo sa pamahalaang lungsod sa loob ng 25, 30, 35, 40 at 45 taon. (ANDI GARCIA)