Advertisers

Advertisers

DAGOK NG BUHAY… AN OPEN LETTER

0 265

Advertisers

Bibigyan natin ng puwang ang isang “bukas na liham” ng isang OFW na kung saan ating natalakay ang naging mapait na karanasang sinapit ng 13- anyos na anak nitong babae sa kamay ng kanyang mismong mga pinsan na drug addict.

Dahil maselan ang kaso (rape),sinadya po natin di ilagay ang tunay na pangalan ng biktima at ng naghihinagpis at nagpupuyos sa galit na ina nito.

Tunghayan po natin mga kababayan;



Mahal na Senador Christopher Lawrence ” Bong” Go,

Ako ay isang 30- anyos na single mom na kasalukuyang nagta- trabaho ngayon dito sa Qatar bilang kasambahay.



Mahigit anim (6) na taon na po akong OFW.

Apat (4) na taon po sa Saudi Arabia at ngayon nga, mahigit dalawang taon dito sa Qatar.



May tatlo (3) po akong anak,dalawang babae at isang lalaki na ang mga edad ay 13, 9 at 6 years old na iniwan ko po sa pangangalaga ng aking 78- anyos na ina sa Buenavista, Agusan del Norte.

Nais ko pong idulog sa inyo mahal naming Senador at kababayan mula sa Mindanao ang mapait na kapalarang sinapit ng panganay kong anak na dalagita na si Marie ( di po tunay na pangalan) sa kamay ng kanyang mismong mga pinsan.

Mga pamangkin ko po na paulit- ulit na gumahasa sa aking 13- anyos na anak na babae na isang grade 8 student,saloob ng limang (5) taon.

Nito lamang Hulyo 19, 2023 nakuhang makapagsumbong sa akin ng aking anak.

Agad ko pong pinasamahan sa aking kapatid sa Buenavista Police Station,Agusan del Norte ang aking anak para magsumbong sa ginawang panggagahasa sa kanya ng mga adik na pamangkin ko.

Nahuli naman agad ang mga suspects na sina John Paul Martinez at John Anthony Martinez ng kapulisan ng Buenavista.

Ang ikatlong suspect po na si John Earlpe Martinez Tauto An ay kusang isinuko ng kanyang ina.

Ngunit makaraan pong i- inquest ng Buenavista Police ang mga suspects sa prosecutor’s office ng Butuan City ay pinalaya po ang mga ito ni Fiscal Danny Serrano dahil daw po sa minors pa ang mga ito ng mangyari ang panggagahasa.

Nadagdagan po ang sakit na aming nararamdaman mag-ina sa nangyaring pagpapalaya sa mga suspects.

Mahal na Senador Go,pauwi na po ako ngayong katapusan ng Hulyo para saklolohan ang aking menor de edad na anak na ginahasa at upang ipaglaban ang hustisyang ipinagkait sa kanya.

Plane ticket lamang po ang binayaran ng aking Qatari employer pauwi ng Pilipinas.

Baon po ako ng utang sa aking employer dahil naka- advance ako ng suweldo nang mawasak ang aming munting bahay sa Buenavista,Agusan del Norte nitong Enero ng taong kasalukuyan matapos ang isang bagyo.

Hindi ko po alam kung paano ako makakauwi ng Buenavista dahil wala po akong kapera- pera pambili ng ticket sa eroplano.

Awang- awa po ako Senator Go sa sitwasyon naming mag- iina.

Lutang na lutang po ang aking isipan kung saan at paanong lalapit ng tulong mula sa gobyerno.

May nagpayo lamang po sa akin na kapwa ko OFW na sa inyong tanggapan nga po lumapit.

Gusto ko pong mag- avail sa ano mang mga ayuda ng gobyerno na laan para sa mga katulad kong OFW.

Tiklop- tuhod po akong nanghihingi ng tulong sa inyo Senator Bong Go upang masimulan ko na po ang pagkuha ng hustisya para sa aking anak na ginawan ng kahalayan at kahayupan ng sarili kong mga pamangking adik sa droga.

Matulungan nyo po sana ako mahal na Senador na makuha ang ayudang nakalaan sa gaya kong mahigpit na nangangailangan.

Halos nawawalan na po ako ng pag- asang lumaban sa mga pagsubok at dagok ng buhay sir pero nagpapakatatag pa rin po ako para sa aking mga anak.

Nawa’y mapansin mo po mahal na Senador Bong Go ang abang liham kong ito.

Pagpapasalamat din po sa patnugutan ng pahayang Police Files Tonite sa pagbibigay daan sa aking liham.

Salamat din po Ginoong Mhel Jota (REALIDAD).

Gumagalang at nagpapasalamat,

Signed:
ANA ng Buenavista,
Agusan del Norte

***

PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com