Advertisers

Advertisers

PAGPAPALIBAN SA BSKE, DESISYON NG KONGRESO AT EHEKUTIBO

0 3

Advertisers

Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na wala sa kanila ang pasya kung matutuloy o hindi ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na Nobyembre.

Ito ay matapos ihain sa Kamara ang panukalang layong iurong ang BSKE sa November 2028 sa halip na ngayong taon.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, wala sa kanila ang desisyon kundi sa Kongreso at Ehekutibo.

DALAWANG MAGKAHIWALAY NA PANUKALANG BATAS, NA NAGPAPALIBAN SA BSKE

Samantala magkaiba ang petsang iminungkahi—May 2027 at Nobyembre 2028.

Dalawang magkahiwalay na panukalang batas ang inihain sa House of Representatives na naglalayong ipagpaliban ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) Elections sa Nobyembre 2026.

Ang pinakahuling panukala, House Bill No. 10376, ay inihain nina Reps. Janette Garin, Jude Acidre, Francisco Paolo Ortega V, Jefferson Khonghun, Ysabel Maria Zamora, at Terry Ridon. Layunin nitong ilipat ang susunod na BSK elections sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028.

Ayon sa explanatory note ng panukala, kailangan ang postponement dahil sa patuloy na epekto ng mataas na presyo ng langis, inflation, tensyon sa pandaigdigang ekonomiya, at banta ng Super El Niño sa agrikultura at food security.

Naniniwala rin ang mga may-akda na makatutulong ito upang makapagpokus ang pamahalaan sa economic recovery, disaster response, at paghahanda para sa 2028 national elections.

Sa ilalim ng HB 10376, mananatili muna sa puwesto ang mga incumbent barangay at SK officials sa ilalim ng holdover capacity hanggang sa mahalal at makapanumpa ang kanilang mga kapalit.

Ang mga barangay officials na kasalukuyang nasa ikatlong sunod na termino ay hindi na rin maaaring tumakbo muli sa panukalang 2028 elections.

Nauna namang naghain si Rep. Alfredo “Albee” Benitez ng House Bill No. 9309, na nagmumungkahing ilipat ang BSK elections sa unang Lunes ng Mayo 2027.

Binanggit sa HB 9309 ang epekto ng energy emergency, mataas na presyo ng langis, inflation, at kaguluhan sa Middle East bilang mga dahilan ng pagpapaliban ng halalan.

Ayon sa panukala, pansamantala lamang ang postponement upang mabawasan ang pressure sa resources ng gobyerno habang napapanatili ang delivery ng basic services.

Nakatakda ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre 2026.

Kailangan pang maaprubahan ng Kongreso at malagdaan ng Pangulo ang alinmang panukala bago ito maging batas.

***

Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com