Advertisers
HALOS di pa humuhupa ang panawagan ni Presidente Bongbong Marcos Jr. (PBBM) na magpapasa ng batas na magpapababa ng singil ng kuryente sa bansa sa pamamagitan ng pagtatatanggal sa “system loss” ay inaprubahan naman ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Feed-In-Tariff Allowance (FIT-All) ilang araw pa lang ang nakaraan. Sa kanyang huling “State of the Nation Address” (SONA) ay hinimok ni PBBM ang Kongreso at Senado na agarang magpanukala ng batas upang amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act 2001 (EPIRA).

Sa bisa ng Electric Power Industry Reform Act of 2001 (Republic Act No. 9136) EPIRA ay pinahintulutan ang MERALCO na makapaningil ng system loss na lalo pang nagpabigat sa pasanin ng mga consumidores.
Ngunit hindi pa man naipoporma ang pangako ni Pangulo na pag-aalis ng system loss ay ito na naman ang panibagong dagok, inaprubahan ng ERC upang makapaningil naman ng karagdagang FIT-All na epektibo sa kasalukuyang buwan.
Sa mga pangkaraniwan at mahihirap na pamilya ay asahan ang dagdag na Php 168 sa bawat electric consumption billing.
Hindi nakakatulong kay PBBM ang padalus-dalos na desisyong ipatupad ang FIT-All. Kung sinumang Poncio Pilato sa tanggapan ng Department of Energy (DOE) Sec. Sharon S. Garin at Energy Regulatory Commission Francis Saturnino Juan na nagpakana sa approval ng patakarang ito ay dapat ipasiyasat ng Pangulo.
Ayaw man natin sa isang Inday Lustay ay baka mangyari ang kinatatakutan, dahil sa masamang epekto ng desisyon na ito na magpapabago sa takbo ng ating kasaysayan?
“BANGKETA POLICE OPERATION” SA PASINGAW/PAIHI!
MAY isa pang maling gawain na dapat aksyunan ni PBBM. Ito ay may kaugnayan sa kunwari ay police operation laban sa oil and petroleum pilferage na lalong kilala sa pasingaw, buriki/paihi.
Kaya pala hindi masawata ang operasyon ng pasingaw at buriki/paihi ng mag partner na espiyang Intsik at alyas Sgt. Bunny na kilala din sa alyas Sgt. Mercado sa bayan ng Ibaan ay dahil sa paulit-ulit na “bangketa police operation” ng nagpapakilalang operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Kapag kailangan marahil ng malaking datung ng ilang scalawag na CIDG kuno ay maglulunsad ang mga ito ng kunwari ay lehitimong police raid sa kuta ng tomboy na Intsik at Sgt. Bunny aka Sgt. Mercado sa Ibaan.
Sa halip na gamiting exhibit sa korte ang mga nasamsam na loaded LPG tank at ang malaking kantidad na petroleum product ay kinukulimbat at binebenta ng mga naturang scalawag ang mga ebidensya. Higit sa lahat ay kinikikilan ng daang libong ng mga kawatan na nagpapakilalang pulis ang “hinuhulidap” na sina alyas Sgt. Bunny aka Sgt. Mercado at pinalalaya din ang grupo ni alyas Sgt Bunny Mercado sa kondisyong aregluhan na lamang ang kaso.
Ang mga naturang moro-moro na raid sa Ibaan ay hindi na nakakarating sa tanggapan ng CIDG. Wala nga kayang kamalay- malay sa nangyayaring kabulastugang ito ang Batangas at CIDG Region 4A offices?
Paulit-ulit na lang ang “pagba-bangketa” sa mga suspek at ebidensya, kaya dapat na kumilos sina CIDG RFU 4A Chief Col. Ganaban Ali at Batangas CIDG Provincial Officer Lt Col. Bryan Dexter Andulan. Kilalanin ng mga ito sa lalong madaling panahon ang mga nagpapakilalang operatiba kuno at buwagin ang palabigasan na ito ng mga scalawag sa hurisdiksyon nina Ibaan Mayor Jane Casas at Police Chief Maj. John Leo Cuasay.
Hindi lamang ang buong organisasyon ng CIDG ang mapipintasan kapag nakarating sa kaalaman nina PBBM at PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang modus na ito, kundi maging sina PNP Region 4A Director BGen. Dominic Baccay at Batangas PNP Acting Provincial Dir. Col. Oliver Ebora. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144