Advertisers

Advertisers

MAMULAT SA KATOTOHANAN

0 4

Advertisers

Nagmukhang pipit{sugin} na dinadagit ng lawin at agila ang mga mahuhusay na abogadong pinili ng abalang pangulo bilang tagapagtanggol sa nagaganap na pagdinig hinggil sa pagpapasipa sa hukuman-senado. Sadyang mahirap pagtakpan ng bilyon – bilyon kasinungalingan ang ilang katotohanan maging may kagalingan ang abogadong may tangan. Hirap ang mga abogadong nagtatanggol sa abalang pangulo sa mga patunay na inilalabas ng mga taga-usig na pinatotohanan ng mga saksi mula sa mga tanggapang kumilatis sa dokumentong ipinasa ng mga tanggapan na pinamumunuan ni Inday Salakay. Pagtutol ang tugon ng depensa sa tinuran ng abogado ng taga-usig na banggitin na ‘di masilip ang liwanag sa “liquidation of expenses” ng tanggapan ng abalang pangulo kung ang ngalan ng nakatala na tumanggap ng salapi ay may ngalang Andy Lim. Bukod hindi makitang si Mary Grace Piattos kahit maraming kinaing Mary Grace Restaurant ang napuntahan at nakainan. Habang sawa o umay ang taga-usig sa pagkain ng chichiryang Piattos.

Sa totoo lang, nagmula sa mga tanggapan sa pamahalaan ang mga tumatayong saksi na taga- usig upang patunayan o bigyan diin na may ‘di tama sa gawa ng tanggapan ni Inday Salakay ayon sa ginawang pagsusuri. Hindi masilip na gagawa ng mga bulaang pahayag ang mga kawani ng pamahalaan laban sa isang mataas na opisyal ng gobyerno upang pasinungalingan o patotohanan ang salang gawa na inihain sa abalang pangulo. Hindi susugal ang mga kawani ng pamahalaan sa salang akusasyon na mismong pagkatao at kabuhayan ang nakasalang sa peligro. Ang pag-upo o pagtayo bilang mga saksi laban sa salang gawa na inihain laban sa abalang pangulo ang tinatayuan ayon sa mga pagsusuri at mga patotoong ginawa. Ang dokumentong nasuri o nahawakan sino man ang nakasalang ang tinatayuan ng kawaning nasangkot sa usapin dahil ginampanang tungkulin. Muli, walang karaniwang kawani ng pamahalaan na maglulubid ng kasinungalingan para sa labanan ng mga tao sa politika kung walang ganap na kaalaman o batayan na ikapapahamak sa sarili at ng pamilya.

Sa pagmamasid sa nagaganap na pagdinig sa usapin ng hukom-senado, maraming pagkakataon na ‘di nagagawang magpalalim ng tanong ang mga abogado ng depensa na tila pag-amin na ganap na katotohanan ang nabanggit ng mga saksi ng taga-usig. Hindi isang abogado, ngunit ang hayaan na tumakbo ang sanaysay ng mga saksi sa usapin na magtanong ay larawan ng pag-ayon? Hindi nagmamarunong ngunit ang nasilip ang ‘di pagtutol sa mga banggit na pahayag ng mga saksi ng taga-usig ang larawang nasisilip na nahihirapan ang mga abogado ng abalang pangulo na basagin ang mga pahayag ng mga saksi. O’ naghihintay ng tamang panahon upang pabulaan ang mga pahayag ng maging tama ang masasabi sa usaping nasa harap.

Sa talastasan ng mga taga-usig at ng depensa sa usapin sa hukom-senado silip na nagkakaroon ng larawan ang isyu sa harap ng bayan, may naganap na pagmamalabis sa pondo ng bayan na ‘di mapapabulaanan. Ang paghaharap ng mga dokumentong nakalap at pinatotohanan ng mga saksi mula sa pamahalaan na sumuri, masasabing may sala ang inaakusahan na dapat managot o panagutin. Hindi pa man umaabot sa panahon ng paghahain ng kaukulang kontra pahayag ang panig ng depensa, ang hirap na pabulaanan ang mga pahayag ng mga saksi ang masasabing dahilan na may sala ang abalang pangulo. Sa totoo lang, pinanghihinayangan ang salaping ginagamit sa dinidinig na usapin sa hukom-senado subalit kailangang mabatid, mapanaig ang katotohanan at panagutin ang may sala.

Tungkulin ng bawat Pinoy na inaabot ng impormasyon na ibahagi ang nagaganap sa hukom-senado sa payak na paraan ng maunawaan ng higit ng nakakarami ang nagaganap. Maselan ang usapin ngunit ang mabatid ng tao sa laylayan ang nagaganap higit ang palitan ng mga grupo na nagsasaad ng linya ng katotohanan o panlililo dahil sa nababayaran ang iniiwasang manaig at mapusuan ng bayan. Wala sa kamay ng mamamayan ang hatol na inaabangan, nasa kamay ng mga hukom-senador, subalit ang mabatid ng bayan ang tama at makatarungan ang ibig ipaabot. Hindi man ngayon ang pasya ng bayan sa huli ang tamang hatol higit sa nalalapit na halalan ang ganap na umiral para sa kinabukasan ng bayan.

Ang hinahanap o paghahanap na katarungan ng bayan na iniharap laban sa abalang pangulo ang daan na matarik ngunit kailangan maganap ng ‘di maulit ang pagmamalabis sa kabang bayan. Ganap na pagsubok ang sinuong ng bayan higit batid na malaki ang bilang ng mga tagasunod ng abalang pangulo higit sa pinagmulan, sa kaTimugan. Ang mamulat ang mamamayan higit ang mga tagasunod ng abalang pangulo mula sa Visayas at Mindanao ang higit na ibig mapabatiran na may sala sa paggamit ng salaping bayan ang abalang pangulo. Sa totoo lang, naniniwalang may ilang kagalingan ang ama ng abalang pangulo sa banggit na lugar sa itaas ngunit ‘di dahilan upang lumabag sa batas higit sa pagmamalabis sa salaping bayan.

Sa pagmamasid sa takbo ng pagpapasipa sa abalang pangulo, lumiliwanag na si Andy Lim ang nagamit sa pagkalap at paglago ng pag-aari ni Inday Salakay higit ng kaperahan. Mapapahalakhak sa paghahanap ng katotohanan dahil gamit ang iba’t ibang ngalan sa pagtatago sa salaping nakuha sa salang gawa na ‘di ibig mabatid ni Mang Juan. Ang panlililo sa bayan na inuusal sa mga panayam at talumpati sa mga grupong pinupuntahan ang gawa upang masabing mahal ng bayan higit ng taong nakapikit sa salang gawa ng mga sakim na mangmang ng kaTimugan.

Bayan, magmasid at balik-balikan ang kaganapan sa usapin sa hukom-senado at pagnilayan kung tamang ipagpatuloy ang paghanga sa mangmang ng kaTimugan na ganap ang kasakiman. Ang salaping gamit sa mga usaping kinahaharap ng ama at ng abalang pangulo ang tuwirang pagtuunan na masasabing sadyang kaydami ng salapi na ‘di mauubos sa karaniwang pagtustos. Silipin ang mga nagaganap na labis-labis na pagbaha sa bayang pinamunuan na iniinda ng mamamayan habang kampante sa tinigilang tahanan. Bilyon bilyon piso ang itinaya ngunit pinsala ang gawa sa mga kababayan na ‘di maniwala sa gawang sala ng idolong masiba. Unti-unting nagigisnan ang katotohanan sa kurakot na ginawa ni Inday Salakay at napapanahon na Mamulat sa Katotohanan at iwaksi ang kasakiman na pasanin ng bayan.

Maraming salamat po!!!!