Advertisers
TINANGGIHAN ng International Criminal Court sa The Hague sa Netherlands ang petisyon ng Republika ng Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Bongbong Marcos na iurong ang kasong mga krimen laban sa sangkatauhan o “crimes against humanity” laban kay Rodrigo Duterte hinggil sa madugong “Oplan Tokhang” kung saan siya at mga kasapakat niya na sina Rolando “Bato” de la Rosa, Vitaliano Aguirre, atbp. Minarapat ng ICC na ituloy ang kaso kaya mabilis pa sa alas-kwatro na umalis si Duterte patungong Tsina kung saan nakipagkita siya sa poon niyang si Xi Jing Ping. Sa akin ito ang pinaka patunay ng kasalanan, ang umiwas at tumakas. Natatawa ako dahil kumbaga sa mailap na manok lumisan kaagad itong si Digong samantalang walang binabanggit ang ICC kung sino ang tinutukoy nila sa sakdal. Mas natawa ang abang peryodistang ito sa putak ng mga kasapakat katulad ni Bato de la Rosa, na wari ko hindi lamang naihi sa pantalon nang malaman ang desisyon ng ICC.
Pero natawa ako ng tatlong milyon nang marinig ko ang isang Robin Padilla na pumantot at nag “come to the rescue” at nagsabi: “Kung huhulihin nila si Senador Bato dela Rosa, isama na nila ako dahil isa ako sa sumuporta kay dating pangulong Rodrigo Duterte diyan sa drug war. Walang iwanan nga eh. Sasamahan ko sila kung saan sila tutal sanay naman tayo sa kulungan. Sa abroad pa, naku, masarap pagkain dun!…” Sinabi niya ito nung Marso 30. Dalawa ang pumasok sa isip ko, ang bigyan siya ng isang malutong na batok, o humalakhak ng pagkalakas-lakas. Pinili ko ang huli. Dahil alam ko walang epekto ang lakas ng batok ko sa makunat niyang kokote. Hihimayin ko ng mabagal-na mabagal para maarok ni Mr. Padilla. Una, kahit sang-ayon at sumusuporta ka sa ginawa ng idol mong si Duterte, at sasama ka kay Bato sakaling ikulong siya, hindi ka pa rin makakamit ng masarap na pagkain sa piitan ng The Hague dahil hindi ka aktuwal sa nakilahok sa Oplan Tokhang.
Ang mga ibang binanggit katulad ni Aguirre, Cayetano, at Gordon ay nakalista bilang mga “respondents” sa kasong inihain sa ICC. Sa madaling salita, pumapapel at pumapantot ka lang. At kung dati nagdududa kami kung bobo ka, ngayon hindi na kami nagdududa. Kumbaga sa eksperimento sa Mythbusters ito ay “confirmed”. Katulad ni Raquel Fortun, nangilid ang luha ng inyong abang lingkod, dahil batid niya na malapit na makamit ng libu-libong naging biktima ng Oplan Tokhang ang katarungan na, huli man dahil kitil na ang buhay nila, napapanahon dahil batid natin na ang batas ay hindi natutulog. Sa ngayon walang katiyakan kung babalik pa si Duterte sa Pilipinas. Isang bahagi gusto kong bumalik siya upang harapin ang kaso niya; ngunit sa isang bahagi gusto ko huwag na siya bumalik. Isa lang ang matitiyak ko. Nalalapit na ang oras ng paghuhukom, at mananagot din siya sa kasalanan niyang walang kapatawaran. Harinawa, matuldukan na sa wakas, ang madilim na bahagi na ito sa ating kasaysayan. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.
***
KAPANSIN-PANSIN na kaliwa’t kanan ang tampal na inaabot ng administrasyong Bongbong Marcos, at pikit-mata na lang ang inyong abang lingkod sa pinanonood ko. Isang tragicomedy. Comedy dahil abala ang lahat na pagtakpan ang sunod-sunod na singaw at putok ng kontrobersyang sila mismo ang may kagagawan. Tragedy dahil sa katulad ko na may alab ng pagmamahal para sa lupang tinubuan, hindi ko maatim na niyurakan ang Bayan dahil sa kanilang kapalpakan. Ang karamihan ay nagparang ostrich na sinasaksak ang ulo sa buhangin, at sa tindi ng kahihiyan nagpapasyang mag “leave of absence” na lang. Pero may iilan na, dahil sa kakitiran ng pag-iisip at taglay na tigas ng pagmumukha, manhid at walang malay sa kanilang pinaggagawa. Dito nahahati sa dalawang grupo ang naninilbihan sa administrasyong kasalukuyan. Walang mawawala sa kanila. Hindi ko alam kung ano ang laman ng SONA ni Bonget, subalit isa lang ang natitiyak ko. Ang kawalan ng usad sa ating ekonomiya, malaking kawalan ito sa ating lahat.
***
Mga Harbat Sa Lambat: “It’s pointless to keep rebranding a product that you have never made an effort to improve…”- Alexander Magno, mamamahayag, netisen
Prof. Cesar Polvorosa Jr:
Prof: Your slogans and logos are poor quality. How will you advance in your career?
Juan: Sir, I just need political connections.
“Hindi pa yata namumulat ang mga mata ni PAO chief Persida Acosta na wala na sa kapangyarihan ang political backers niya, i.e., Rodrigo Duterte at Vitaliano Aguirre…” -Manuel Laserna Jr, netisen, kritiko.
“Iyon naman pala eh di tuloy ang ligaya. Punung puno ng symbolism ang bagong slogan ng Pagcor, nasa three million…” – Maris Hidalgo, OFW, netisen
“Now I see why they call him
‘Boying’… It’s because he couldn’t MAN UP!…” -Norman Naguit, netisen
“Dahil pinagmukhang tanga ni Kanor si Jr sa pagbisita niya kay Winnie the Pooh, damage control mode ang admin ni Jr ngayon.” -Joel Cochico, netisen, kritiko
“Remember how undaunted they sounded when they said
“IF YOU HAVE NOTHING TO HIDE, YOU HAVE NOTHING TO FEAR”… Well???…” -Norman Naguit, netisen
“My IQ test results came back. They were negative…” -Robin
***
JokTaym:
DUTERTE: Hanggang ngayon galit pa rin sa akin ang Simbahan. THIS IS UNFAIR!!!…
PARI: Bakit niyo nasabi yan?…
DUTERTE: Kasi mayroon SABADO DE GLORIA, may SAGRADO CORAZON, at may DOMINGO DE RAMOS. Eh, bakit ako WALA!?!…
PARI: (nag isip…) Sige, magmula ngayon sa iyo ang ASS WEDNESDAY…
***
mackoyv@gmail.com