Advertisers
IPINAG-UTOS ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Asst. Secretary Vigor Mendoza, ang pagsasampa ng kasong administratibo sa isang enforcer na inaresto sa pangongotong sa San Fernando City, Pampanga noong Biyernes (Hulyo 21).
Inatasan ni Mendoza si LTO-Region 3 Regional Director, ret. Brig. General Ronnie S. Montejo, na panagutin si Kristofferson Canlas, 41, nakatalaga sa LTO-Law Enforcement Office Region 3, maging ang kanyang direktang superior officer dahil sa command responsibility.
Nauna rito, inaresto ng pulisya sina Canlas at kasabwat na si Roderich Catahan, 41, isang civilian noong Hulyo 21 sa Brgy. Maimpis, San Fernando City, sa aktong pagtanggap ng P1,000 marked money kasama ng P69,000 boodle money mula sa isang truck driver.
Unang hinuli nina Canlas ang truck driver sa kanilang anti-colorum operation at nanghingi umano ng P70,000 halaga upang hindi na kasuhan.
Dumulog sa pulisya ang biktima kaya’t ikinasa ang entrapment operation, nagresulta sa pagkaaresto sa suspek at pagkakakumpiska ng P10,600 cash, isang 9mm baril, 2 magasin na may 34 bala, mga kutsilyo, 3 cellular phones, iba’t ibang identification cards, ATM at visa cards, bank book at isang Toyota Vios.
Inatasan din ni Mendoza si Montejo na agad isailalim sa preventive suspension si Canlas habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa kanyang kaso. (Boy Celario)