Advertisers
MASUSI na iniimbestigahan ng Manila Police District (MPD) ang pagkamatay ng 7-anyos na babae na umano’y binugbog ng sariling ama sa Tondo, Maynila.
Sa salaysay kay CMS Joseph Kabigting, imbestigador ng MPD-Homicide Section, ng ina ng biktima na si Karen Napacia, 26 anyos, ng Sto. Niño St., Tondo, galing ito sa pamimili ng gamit sa iskul ng anak nang mapansin na inaapoy ito ng lagnat.
Kinilala ang ama ng bata na si Carlo Lloren y Unabia alyas Carlo Danni, 32.
Sinabi rin sa kanya ng bata na masakit ang leeg at tagiliran nito, kaya agad niyang ipinahilot. Ngunit dahil walang pagbabago, nagpasaklolo na ito sa lola ng bata para dalhin ito sa ospital.
Ayon kay Abanes, walang pag-amin ang kanyang anak na sinaktan siya ng sariling ama, ngunit base sa iniwang sulat ng amang salarin, humingi ito ng tawad at inamin na nasaktan ang anak at kung ano ang magiging desisyon ng ginang ay kanyang haharapin.
Sa hiwalay na panayam kay Aling Margarita, lola ng biktima, inamin din umano ng bata sa kanya na binugbog siya ng ama dahil lamang sa kulang na sukli.
“Inutosan daw siya ng papa niya na bumili sa tindahan dala niya 37 pesos at ang sukli pinakialaman niya pambili sana ng tinapay na ube, ayon binugbog, sinapok sa ulo at batok,” pahayag ni Lola Margarita.
Sa pahayag ng doktor sa Tondo General Hospital, inamin din ng bata na sinakal siya at pinagsusuntok ng ama.
“Tinanong din ng doktor ‘yung bata kung bakit hindi nagsumbong sa nanay, ang sabi niya daw kaya hindi nagsumbong sa nanay kasi sasabihin lang sa kanya na sinungaling siya”, ayon pa sa kwento ng lola.
Pinaghahanap na ng pulisya ang ama ng bata. (Jocelyn Domenden)