Ayuda sa 795 rice vendors sa Dist. 1&2 ng DTI, DSWD at Maynila
Advertisers
MAY kabuuang 795 na community/sari sari store rice vendors ang binigyan ng ayudang pinansyal ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Sinabi ni Atty. Princess Abante, spokesperson ni Manila Mayor Honey Lacuna na, ang pamimigay ng ayuda sa nasabing bilang ng mga rice vendors na mula sa District 1 at 2 ng Maynila ay ginawa sa Patricia Sports Complex ganap ng alas-9 ng umaga, Miyerkules, Oct. 11.
Nabatid pa kay Abante na ang susunod na bibigyan ng ayuda ay mga sari sari store owners at rice vendors mula sa Districts 3, 4 & 6. Ito ay gagawin sa Dapitan Sports Complex, Manila sa Oct. 12, Huwebes, ganap na alas-8 ng umaga.
Susunod namang bibigyan ng ayuda ay ang mga sari sari store owners at rice vendors ng District 5 sa Biyernes, Oct. 13 sa San Andres Complex, Manila, ganap na alas-8 ng umaga.
Ang dahilan ng pagbibigay ng financial assistance sa mga sari sari store owners at rice vendors ay dahil naapektuhan sila ng implementasyon ng mandated price ceiling coordination.
Sa pamamagitan ng ng Executive Order No. 39 na ipinalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay naaprubahan ang implementasyon ng mandated price ceiling sa regular milled rice sa halagang P41 at P45 naman sa well-milled rice.
Nagsimula ang pagbibigay ng ayuda sa mga sari sari store owners at rice vendors noong nakaraang buwan ng Setyembre.
Sa tala ng DSWD ay nakapamahagi na sila ng P92.415M halaga ng financial assistance sa may 6,161 mula sa target na 8,390 micro small rice retailers. (ANDI GARCIA)