Advertisers

Advertisers

HALAGA NG TALASTASAN

0 1,231

Advertisers

SA usaping bayan mainam na nagkakaroon ng mga konsultasyon sa mamamayan sa mga usapin na tuwiran ang epekto o pakinabang. Mahalaga ang mabatid sa kung ano ang nasa-isip ng balana at maging sangkap ang kaisipang bayan sa kung paano bubuuin ang programang ibig ipatupad. Sa pakikibahagi ng mamamayan sa mga usapin, nalilinang ang dapat at ‘di dapat sa isang programa higit sa pagpapatupad sa mga lokalidad. Sa nasabing paraan, nababatid ang kahinaan o kalakasan ng programa higit kung magiging matagumpay ang gagawing programa o proyektong ibig.

Sa pakikibahagi ng mamamayan sa usapin, nakukuha ang mahahalagang punto na likas o mayroon ang lugar na magagamit sa maayos na pagpapatupad ng programa. At ‘di maiiwasan ang punto ng bigat na susuungin ng programa kung ipapatupad ayon o base sa nais ngunit salat sa pag-aaral at konsultasyon. Habang ang ganda’y silip sa tunay na pakikibahagi ng taong bayan.

Sa karanasan, mainam na alamin kung sino-sino ang mga lider na lokal halal man o yung tago ngunit ginagalang sa lugar. At mainam na sumangguni ang mga ito upang mabatid ang kung ano ang meron o wala sa lugar. Maiiwasan ang pagkakaroon ng aberya sa mga darating na panahon ng pagpapatupad sa programa kung may konsultasyon at talastasan. Sa talastasan nahihimay ang “pros and cons” ng programa at kung dapat ituloy o ilipat ng lugar ang programa kailangan. Ang mga lider lokal higit ang mga may-edad o matanda ang madalas na sinusunod ng mga naninirahan higit kung maapektuhan ang pamayanan.



Sa totoo lang, maraming lider pulitika ang dumadaan sa mga lider na lokal kahit hindi halalan dahil madalas na pinakikinggan ang resulta sa halip na trahedya. Hindi kalakasan ng mga lider na lokal ang pagsasalita sa maraming tao, ngunit tulad ng sambit ang wika nito ang pinaniniwalaan ng mga tao. Malaki at mahalaga ang ambag ng lider na lokal sa pagpapakilos ng mamamayan dahil sa haba ng karanasan sa lugar na tinitirahan. Hindi lang usapin ng dami ng lahi sa lugar, bagkus ang karanasan na nagbunga ng maraming pakinabang sa pamayanan.

Sa totoo lang, mahalaga ang uri ng liderato sa lokal o pambansa ang pagkakaroon ng talastasan sa anumang usapin dahil sa nahihimay ang mga punto na magpapaganda sa anumang bagay na nais. Kung sisilipin ang kasanayan sa Kongreso sa mataas o malawak na kapulungan, nariyan ang talastasan kung saan tinatalakay ang mga panukalang batas na nais buuin. Pinag-uusapan sa komite at ipinaliliwanag ng may akda ang panukalang batas na inihahain. Sa pagpapaliwanag nariyan ang kontra at ayon sa pinapanukalang batas. At sa maraming pagkakataon, humihingi ng tulong ang may akda ng panukala sa mga dalubhasa sa inihahaing panukala upang bigyan linaw ang punto at kahalagahan ng batas na inihahain. Subalit, dumadaan pa rin sa paghihimay, mga pagdinig at hangang ilang pagbasa bago mapagtibay ang panukala.



Sa pagtatapos ng talastasan sa magkabilang kapulungan, nariyan ang talastasan ng mga mambabatas upang pag-isahin ang dalawang panukala para sa isang batas. At siyang binabato sa himpilan ng pangulo ng bansa upang pagtibayin bilang batas ng bansa. Subalit hindi kagyat ito dahil kailangan ilathala ang nasabing batas upang maipabatid sa tao o mamamayan ang nasabing bagong kautusan o batas. At sa oras na may katanungan sa batas, maaring dumulog sa mataas na hukuman sa anumang legal na balakid ng bagong batas.

Sa bangit sa itaas, tunay na mahalaga na magkaroon ng konsultasyon o talastasan sa mga bagay na tuwiran ang epekto sa bayan higit sa mamamayan. Hindi maalis na nagkakaroon ng ‘di pagkakaunawaan o alingasngas kung ‘di nasusuri ng mabuti ang panukala, batas man o programa na ibig ipatupad. Mahalaga ang pakikibahagi ng mga tao higit ng lider na lokal sa usapin na tuwiran ang epekto sa bayan. Ang kawalan ng konsultasyon o talastasan ang dahilan ng negatibong pagtanggap sa anumang balakin o panukala.



Sa bangit sa itaas, bibigyan larawan ang kahalagahan ng konsultasyon at talastasan ayon sa kaganapang bayan. Isang panukala na walang kaabog-abog na Marcos este Maharlika Investment Fund na biglang pumasok sa isip ng kung sinong Pilato sa pamahalaan. Nabigla ang bayan sa panukalang bangit dahil tunay na napag-uusapan ang panukala. Ang masakit isa na namang pasanin sa balikat ni Mang Juan ang MIF higit sa pagkukunan ng salapi na paunang puhunan. Sa likod ng paghihirap ni Mang Juan, hindi nagkaroon ng talastasan o kahit survey kung ano at paano ang MIF higit ang kagalingan at pakinabang ng bayan at mamamayan. Makakatulong ba ito sa kahirapang dala ng bayan sa kasalukuyan? Dahil hindi natalastas ang importansya ng panukala, nariyan ang samu’t saring negatibong tugon at tanong mula sa mamamayan sa kung paano at kung sino ang tao sa MIF? Dahil hindi tinalakay o natalastas ang usapin, mas marami ang katanungan sa halip na pagsang-ayon sa panukala. Ano tuloy pa ba o pagtatalastasan muna?

Pangalawa, napansin ni Mang Juan ang kahalagahan ng pagpapaalam ng mga bagay na pasanin ng bayan tulad sa panukala ni Inday Siba na Confidential and Intelligence Fund (mahilig kayo sa IF) na inihain sa kapulungan ng kongreso. Sa paghahain, nahimay ng maayos ng kongreso ang kahinaan ng panukalang hinain higit sa ahensyang ‘di dapat magkaroon ng nasabing pondo. Sa kawalan ng kaalaman ng puno ng mga ahensyang nagpanukala, minabuti ng mga mambabatas na ilipat ang pondong hinihiling sa mga ahensyang mas may pangangailangan ng pondo. At sa puntong ito, minabuti higit ng mababang kapulungan na ibigay sa nararapat na ahensya ang pondo ibig ng opisina ni Inday Siba. Ito’y isang magandang bagay na tinatalastas, na may tuwirang tama sa mamamayan.

Sa huling punto, maganda ang nagiging resulta ng mga bagay bagay kung ito’y natatalastas higit sa kagalingan ng bayan. Malinaw na ang bawat punto ng panukala batas o proyekto’y kailangang himayin ng makita ang layunin o pakinabang higit sa taong bayan. Naniniwala si Mang Juan na mainam na gawing bukas sa bayan ang anumang panukala na tuwiran ang tama sa buhay ng mamamayan. Sa kagalingan ng bayan, MAHALAGA ANG TALASTASAN sa ano mang panukala, dahil nagbubunga ito ng kabutihan at pagtitipid sa kabang bayan. Mahalaga si Mang Juan sa anumang ibig dahil, siya, sila, kayo, kami at ang balana ang dapat paglingkuran ng mga lingkod bayan. Huwag alisin sa isip at pandama na mahalaga ang bayan kaysa sa sarili.

Maraming Salamat po!!!