Advertisers

Advertisers

BABALIGTAD SI MIGS, CHIZ?

0 19

Advertisers

HINDI kami naniniwala na babaligtad si Migs Zubiri at Chis Escudero tulad ng ikinakalat ng mga DDS. Hindi kami bilib sa kanila at wala kaming tiwala sa uri ng kanilang pulitika, ngunit alam namin na walang ibubunga sa kanilang political career ang pagbaligtad at pagkampi kay Sara Duterte. Nasa huling yugto na ang mga Duterte at hindi na nila maibabangon ang anumang natitirang dangal sa kanilang pagbagsak.

Ikikinakalat ng mga DDS na hindi umano dumadalo si Migz at Chiz sa mga pulong ng mga senador ng mayorya. Umiiwas at tila may itinatagong baraha. Intriga lang ang mga iyon. Kung babaligtad si Chis at Migz, nakikita namin ang pagbaligtad ng dalawa o tatlong senador na minorya – Robin Padilla, Bong Go, at Camille Villar.

Ang totoo, aburido si Sara Duterte dahil batid niya na hindi siya makakakuha ng sapat na boto upang maabsuwelto sa mga paratang sa kanya. Kapag nasibak siya sa puwesto, hindi malayo na sandamukal na asuntong kriminal ang kanyang bubunuin sa 2027. Nakaamba na sa kanya ang mga sakdal na kriminal laban sa kanya.



Hindi bababa sa 15 senador ang nakikita namin na iboboto na maysala si Sara upang tuluyang masibak sa pagpasok ng 2027. Sa ganang amin, mas magandang pag-usapan kung sino ang hahali kay Sara bilang bise presidente ng bansa. Maaaring ipilit ni BBM si Bojie Dy, ang kasalukuyang ispiker, bilang kapalit ni Sara.

Kung mangyari, sino naman ang ipapalit kay Bojie bilang ispiker? Maideklara kayang walang sala si Martin Romualdez at makabalik sa kanyang poder bilang pang-apat na pinakamakapangyarihan tao sa bansa? Ang akin ay espekulasyon. Nagbibigay lang ako ng aking hula na maaaring mayroon o walang batayan.



Sa ngayon, hindi ko nakikita na babaligtad si Migz at Chiz dahil kapag ginawa nila iyan, hindi maaalis sa aming isipan na nasuhulan sila ng daang milyones ni Sara. Sino ang maniniwala na hindi sila nasilaw sa salaping ninakaw ni Sara at Mans Carpio? O sila ang mga nakatagong ahente ng Tsina na pawang nabili upang ipagtanggol ang bata ng Tsina?
*
BUMALIK sa Malacanang si Kris Aquino at anak na si Bimby noong Sabado upang pasinayaan ang taunang pag-iilaw ng Christmas Tree doon. Makulay ang muling pagbabalik ni Kris sa Palasyo at nakasalaula ang mga Marcos na sa mahabang panahon ay ang dalawang pangunahing pamilya pulitikal na magkatunggali.

Sa pagdating ni Kris upang ilawan ang Christmas Tree ng Palasyo, hindi nangangahulugan karakang nagbati ang dalawang pamilya. Masyadong malalim ang sugat na iniwan ng kanilang mga magulang, ngunit naalis kahit paano ang tensyon ng hidwaan.



Sa ilalim ng kasalukuyang kaayusan ng sistema ng pulitika sa bansa, hindi magkaaway ang dalawang pamilya. Natural silang magkakampi kontra sa anumang balak na iluklok ang isang Duterte sa Palasyo. Batid ni Kris na hindi karapat-dapat na iluklok ang isang Duterte dahil sila ang pangunahing panganib sa katahimikan ng bansa.

Sa pagdalo ni Kris sa okasyon sa Malacanang, sinamantala niya upang hilingin sa pamunuan ng bansa na dagdagan ang budget ng UP-PGH upang matugunan ang pangunahing ospital ng bansa sa pangangailangan sa pangngangalaga sa kalusugan ng mga mamamayan. Iyan si Kristeta. Marunong kumuha ng atensyon ng bayan.
***
MAGSISIMULA ngayon ng 10 na umaga, oras sa The Hague, o 5 ng hapon sa oras ng Maynila, ang pagilitis ng ICC kay Rodrigo Duterte na humaharap sa bintang na crimes against humanity dahil sa pagpatay sa mga pinaghinalaang adik at tulak ng ipinagbabawal na gamot.

Maaaring tumagal ng ilang buwan o taon ang trial ngunit hindi namin nakikita na makakalusot si Duterte. Maaaring hindi na makalaya pa si Duterte at doon na siya sa piitan ng ICC bawian ng buhay. Napakalaki ng atraso niya sa bansa.

Ang nakakatawa o nakakatuwa, kinabukasan o Martes, magpapatuloy ang nabalam na paglilitis kay Sara Duterte ng Senate Impeachment Court. Kapag nagkataon haharap ang mag-ama sa magkahiwalay na paglilitis. Ito ang kauna-unahang panahon na haharap sa paglilitis ang mag-ama sa magkahiwalay na hukuman.

Kriminal kasi sila pareho. Hindi sila nagingiming gumawa ng karumal-dumal na krimen sa basta manatili lang sa poder. Parusa iyan ng langit.

***

Email:bootsfra@gmail.com