Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
MAIN kontrabida ni Ruru Madrid sa Black Rider si Jon Lucas; kumusta si Jon as kontrabida?
Lahad ni Ruru, “Si Jon… well noon pa man parang magkaibigan na kasi kami ni Jon dati pa, wala pa siya sa GMA, and then ngayon na nakatrabaho ko siya nakita ko yung passion niya sa craft niya.
“Nakita ko kung paano siya nag-e-effort para mapaganda yung bawat eksena, hindi din siya nahihiyang magtanong kung paano gagawin niya.
“And I guess malaking bagay po yun sa aming mga actor, na parang curious ka kung paano mo mapapaganda yung eksena, dagdag pa ni Ruru, tanong ka nang tanong dahil siyempre gusto mong mag-effort na mapaganda yung bawat eksena.
“So talagang binubuhos niya lahat ng kaya niya para mapaganda yung scenes, and malinaw e, malinaw yung emosyon na hinihingi ng eksena at naibibigay po niya lagi yun. “At willing po siya lagi makinig sa kung ano pa po yung puwede niyang ma-improve. So I’m just very ano, parang lucky din na nakatrabaho ko si Jon, kumbaga iilan na lang po yung mga ganyang klaseng actors na talagang may puso pagdating sa pag-arte.”
Bukod kina Ruru at Jon ay tampok din sa Black Rider sina Yassi Pressman, Matteo Guidicelli at Katrina Halili, at sina Gladys Reyes, Rio Locsin, Maureen Larrazabal, Almira Muhlach at si Kylie Padilla sa isang natatanging pagganap.
Nasa cast din sina Joem Bascon, Dustin Yu, Joaquin Manansala, Kim Perez, Vance Larena, at Saviour Ramos, Empoy Marquez, Janus del Prado, at Rainier Castillo at sina Jayson Gainza, Shanti Dope, Pipay, Ashley Rivera, Turing, Sparkle artists Prince Clemente at Mariel Pamintuan at ang young love team nina Ashley Sarmiento at Marco Masa.
Ang Black Rider ay sa direksyon ni Erwin Tagle at nina Rommel Penesa at Richard Arellano.
Napapanood ang Black Rider 8 PM sa GMA Telebabad, at may simulcast sa Pinoy Hits at livestreamed sa Kapuso Stream. Mapapanood din ito sa GTV, 9:40 PM. Para sa Global Pinoys, mapapanood ito sa GMA Pinoy TV.
***
MAAGANG panimula sa pag-celebrate ng Kapaskuhan ang hatid ng GMA Network sa pamamagitan ng kanilang 2023 Christmas Station ID (CSID), ang “Feeling Blessed Ngayong Pasko!” na unang ipinalabas nitong November 5 sa ‘All-Out Sundays.’
Pinangunahan ang video ng mga sikat at batikang Kapuso stars and personalities mula sa entertainment, news, at public affairs na sina Dingdong Dantes, Marian Rivera, Alden Richards, Michael V., Heart Evangelista, Bea Alonzo, Barbie Forteza, Dennis Trillo, Mel Tiangco, Vicky Morales, at Jessica Soho. Masaya nilang hinikayat ang mga manonood: “Mga Kapuso, ang sarap talaga ng feeling kapag Kapaskuhan kasi feel na feel talaga nating lahat kung gaano tayo ka-blessed! Bawat isa sa atin, may kakayahang magpasaya ng iba. Sa maliit man o malaking paraan, pwede nating i-share ang ating love!”
Jampacked man ang CSID ng mga kinagigiliwan na mga artista at personalities ng Network, and binida sa pagkakataong ito ay mga ordinaryong tao na walang humpay ang paninilbihan sa kanilang kapwa dahil sa kanilang pagiging thankful sa mga blessings sa buhay.
Ilan sa kanila sina Elmer Mallanao, isang delivery rider na very proud sa kanyang anak na gumradweyt bilang cum laude; RM Capillas, dating nagtatrabaho sa BPO na ngayon ay nag-aalaga sa kanyang ama-amahan; ang pharmacist na si Arshie Larga na namimigay ng libreng gamot; si Nanay Bernadeta Zamora, na malaki ang utang na loob sa mga nagbigay sa kanya ng first-aid, ang mga nursing students na sina Angyl Fayth Ababat at Kristianne Joice Noelle Ona; at nariyan din si Michael Kimuell, isang jeepney driver na pinasasakay nang libre ang mga pasahero niyang kulang ang pamasahe.
Binigyang-pugay rin sa video ang veteran broadcast journalist na si Mike Enriquez na siya palang pinakamalaking donor sa National Shrine of Our Lady of the Abandoned sa Santa Ana, Manila!
Maliit man o malaki ang blessings sa buhay, ang mensahe ng GMA Network ay i-share ito upang makapagbigay saya sa ibang tao. Kaya ngayong Pasko, sa kahit ano mang paraan, mag-share ng blessings!
Masasabing totoong feeling blessed nga ang mga manonood dahil ang mga kumanta ng “Feeling Blessed Ngayon Pasko” ay ang mga Kapuso powerhouse singers na sina Christian Bautista, Mark Bautista, Rita Daniela, Hannah Precillas, Garrett Bolden, Jeremiah Tiangco, Anthony Rosaldo, Thea Astley, Jessica Villarubin, John Rex, XOXO, Zephanie, Princess Aliyah, at Julie Anne San Jose.
Mapapanood ang 2023 Christmas Station ID #FeelingBlessedNgayongPasko ng GMA sa kanilang official YouTube channel (@gmanetwork) at Facebook. Maaari rin itong makita sa www.gmanetwork.com