Advertisers
WALA pang limang minuto lusot na sa deliberasyon sa plenaryo ng Senado ang pondo ng Office of the Ombudsman sa taong 2024.
Walang kasing senador ang nagkainteres na kuwestiyunin si Senate finance committee chair Sonny Angara para sa detalye ng pondo ng anti-graft body.
Ikinagulat naman ni Ombudsman Samuel Martires ang mabilis na pag-apruba sa kanilang panukalang P5.34 bilyon.
Ibinahagi ni Martires na ibinigay na lamang din ng mga senador ang hiling nilang P1 milyon confidential fund.
Aniya, P50 milyon ang ipinanukala ng Malacañang ngunit siya na mismo ang nagpatapyas nito dahil sa mga kontrobersiyang bumabalot sa secret funds ng ibang ahensiya.
Inamin din ni Martires na nakakakuha sila ng mga impormasyon at nakakapagsimula ng imbestigasyon ukol sa mga katiwalian mula sa mga “marites” at “tolits.”
Kasabay nito, inanunsiyo ng chief graft investigator ng bansa ang balak nilang magtayo pa ng mga karagdagang satellite offices sa iba’t ibang bahagi ng bansa para mas mabilis na makapaghain sa kanila ng mga reklamo.
Bukod dito mabilis din aniya na makakakuha ng clearances ang mga magreretirong opisyal at kawani ng gobyerno. (Mylene Alfonso)