Advertisers

Advertisers

4 hanggang 6 talampakan pa ang lalim ng baha sa Candaba, Pampanga

0 262

Advertisers

SA kabila ng maaraw na panahon, nararanasan parin ang aabot sa 6 talampakang baha sa bayan ng Candaba, Pampanga nitong Miyerkules.
Bangka ang karaniwang sinasakyan ng mga residente ng bayan ngayong binaha ang ilang lugar dahil sa sunod-sunod na pag-ulan.
Sa kabila ng bumubuting lagay ng panahon, umaabot parin sa 4 hanggang 6 talampakan ang taas ng tubig sa Barangay San Agustin, Candaba.
Aabot sa 700 pamilya ang apektado ng baha sa 5 purok ng naturang barangay.
Kumpara noong nagdaang weekend, bahagya nang humupa ang baha pero hirap paring makadaan ang mga bangka dahil sa mga water lily.
“Mahirap po yan, kasi kaming sanggunian nililinis namin talaga yan, yan po pinamumugaran yan ng lamok at mga ulupong. Lilinisin po talaga namin ‘yan,” ani Marcelo Dela Peña, kapitan ng Barangay San Agustin.
Sinamantala naman ng ilang residente ang magandang panahon para lumangoy sa baha.
Hindi na bago sa mga residente ng Candaba ang pagtaas ng tubig, dahil nagsisilbing catch basin ang bayan ng mga karatig-bayan at lalawigan.
“Yung tubig galing Bulacan, Nueva Ecija, naiipon sa Candaba, kaya na-isolate ang Poblacion, going to San Miguel, Bulacan saka sa Baliuag,” paliwanag ni Mayor Rene Maglanque.
Sa kasagsagan ng pag-ulan, may ilan pang kinailangang ilikas.
“May mga bahay na nasa gilid ng ilog na inilikas na mga 120 families na mayroon pa sa evacuation center at mayroon apat na pamilya o bahay na tinamaan na nasira yung mga bahay nila at ito’y umaasa silang tutulungan sila ng munisipyo,” dagdag ni Manlanque.
Bukod sa Candaba, may ilan ring binabahang barangay sa bayan ng Macabebe at Masantol.