Advertisers

Advertisers

PNP COL. NAGPAPUTOK NG BARIL SA BAR PINADIS-ARMAHAN NG DILG CHIEF

0 13

Advertisers

PINAKUKUMPISKA ni Interior and Local Government Secretary (DILG) Benhur Abalos sa Philippine National Police (PNP) ang tatlong baril na nakarehistro kay Lt. Colonel Mark Julio Abong, matapos magpaputok ng baril sa isang restobar sa Quezon City.

Ang kautusan ni Abalos ay bunsod ng pagbawi ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) sa lisensiya ng tatlong baril ni Abong.

Inaresto si Abong dahil sa reklamo ng pananakit sa isang waiter ng Ralyoz Drinkery Lounge sa Sct. Rallos St. nitong Linggo ng madaling araw.



“Hindi dapat bigyan ng pribilehiyo na magmay-ari o magdala ng baril ang sinumang hindi responsable na humawak nito,” giit ni Abalos.

Kaugnay nito, sinabi ni PNP Public Information Office chief Colonel Jean Fajardo na hinihintay na lamang nila ang desisyon ng National Police Commission (Napolcom) kaugnay ng inihaing apela ni Abong.



Ani Fajardo, may inilabas nang dismissal order noon ang Quezon City People’s Law Enforcement Board laban kay Abong subalit umapela ito sa NAPOLCOM.

Ang kaso ay may kaugnayan sa pagkakasangkot ni Abong sa insidente ng ‘hit and run’ noong isang taon na ikinasawi ng isang tricycle driver at ikinasugat ng iba pa.



Dagdag ni Fajardo, sa panibagong kasong ito ni Abong, tiyak na wala na itong lusot dahil sa administratibo at kriminal na kaniyang kahaharapin.

Bukod sa mga nakabinbing kaso ng Grave Misconduct, Grave Neglect of Duty, Conduct Unbecoming and Officer, Reckless Imprudence resulting in Homicide, nahaharap ngayon si Abong sa Alarm and Scandal, Illegal Discharge of Firearm, Slander at Physical Injury dahil sa huli nitong kinasangkutang insidente. (Almar Danguilan)