Advertisers

Advertisers

SI GENERAL GUILLERMO ELEAZAR NA ANG DAPAT NA PNP CHIEF

0 437

Advertisers

HULING araw na ni General Camilo Prancatius Cascolan sa Nobyembre 10 sa Philippine National Police (PNP).

Sa araw ding ‘yan magsisimula ang bagong hepe ng PNP.

Ang inaasahang papalit sa kanya ay si Lieutenant General Guillermo Lorenzo Eleazar, ang kasalukuyang pangalawang hepe ng PNP.



Kung susundin ang pagkilala at paggalang sa konseptong “seniority”, walang ibang dapat na kapalit si Cascolan kundi si Eleazar.

Kung tutuusin si Eleazar ang nararapat na naging pinuno ng PNP simula pa noong Setyembre 2.



Kung praktikalidad at lohikal na konteksto ang pagbabatayan, hindi na dapat itinalagang hepe ng PNP si Cascolan dahil mahigit dalawang buwan na lang ito sa PNP nang magretiro si General Archie Francisco Gamboa noong Setyembre 2.

Kung paglilinis ng mga krimeng ginagawa ng mga opisyal at kasapi ng PNP ang pagbabatayan, lalong hindi kuwalipikado si Cascolan.



Alam ng karamihan ng mga heneral at colonel sa PNP ang dahilan.

Kaso, pinairal at ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang seniority sa mga heneral, itinalaga si Cascolan bilang hepe ng PNP.

Napaikli na lang ang kanyang panahon, ngunit pinagbigyan pa.

Kaya, kahit paano ay bahagi na ng kasaysayan ng PNP si Cascolan.

Nakapaskil na ang litrato ni Cascolan sa hilera ng mga litrato ng mga naging hepe ng PNP.

Sa napakaiksing panahon, ang pumutok sa media na ginawa ni Cascolan ay balasahin ang mga heneral sa kani-kanilang puwesto.

Inilipat niya ang mga heneral na alam niyang mga ‘bata’ ni Gamboa sa ibang posisyon.

Ang hindi lang niya natanggal ay si Major General Debold Sinas dahil wala na itong paglalagyan sa Camp Rafael Crame – at syempre napakalakas ng sinasandalan niyang pader.

Ngayong magreretiro na si Cascolan, inaasahang paiiralin at ipatutupad din ni Duterte ang konseptong seniority.

Hindi dapat mabago ito dahil ganyan din naman ang sinunod nang paupuin si Gamboa.

Dahil sa seniority, nakaupo ang dalawa pang heneral na nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1986.

Kaya sa kabuuan ay nakaapat ang PMA 1986, kasama sina Ronald dela Rosa at Oscar Albayalde, na hepe ng PNP.

Ang problema ay mayroon pang naglalabasang balita na posibleng hindi pa maging pambansang pinuno si General Eleazar ng PNP sapagkat mayroon pang apat na pagpipilian si Duterte.

Ito ay sina Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag (deputy chief for operations), Maj. Gen. Joselito Vera Cruz (hepe ng directorial staff), Maj. Gen. Sinas (direktor ng National Capital Region Police Office) at Brigadier General Vicente Danao, Jr. (direktor ng PNP – Region 4 – A).

Walang problema sa pagsama sa mga pangalan nina Binag at Cruz dahil bahagi sila ng tatlong pinakamataas na opisyal sa PNP.

Ang tatlong matataas naman ang palaging inirerekominda ng sekretaryo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pangulo.

Ang NCRPO director ay napapasama rin sa mga kandidato sa susunod na hepe ng PNP bilang “dark horse”.

Ang masama lang ngayon ay dalawa ang dark horse.

Si Danao ang isa pa.

Si Sinas ay nagtapos sa PMA noong 1987, tulad nina Eleazar, Binag at Cruz.

Si Danao naman ay noong 1991.

Nag maging NCRPO director si Sinas noong Oktubre 2019 ay nagsimula na ring pumutok ang pangalan niya sa mga mamahayag bilang kandidato sa pagiging hepe ng PNP.

At mayroong itong laban dahil sa mahigpit niyang koneksyon kay retiradong Colonel Royina Garma.

Si Garma ang kasalukuyang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Si Garma ay malakas kay Pangulong Duterte.

Si Duterte ang dahilan kung bakit maagang nagretiro sa PNP si Garma.

Hepe si Garma ng PNP sa Lungsod ng Cebu nang italaga siya sa PCSO upang linisin ang ahensiyang ito sa korapsyon.

‘Napakalapit’ din ng koneksyon ni Garma kay Duterte.

Syempre, malakas din siya kay Duterte.

Ang koneksyon ni Garma kay Duterte ay sabihin nating tulad ng koneksyon ni Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio sa kanyang tatay na pangulo ng bansa.

Hindi ko lang masukat kung ang lakas ni Garma kay Duterte ay katulad nang lakas ng bulong ni Senador Christopher Lawrence Go, ngunit pihadong malakas din.

Si Danao naman ay matunog sa mga mamahayag na si Mayor Duterte – Carpio ang ‘ninang’ sa kagustuhan niyang maging hepe ng PNP sa loob ng dalawang taon.

Tapos, matagal siyang nadestino sa Davao.

Nakasama na ang pangalan ni Danao sa mga susunod na magiging hepe ng PNP mula nang maging Manila Police District (MPD) director siya noong Nobyembre 2018.

Hindi pa heneral si Danao sa panahong ‘yan.

Si Eleazar ay walang koneksyon kay Duterte.

Wala rin siyang opisyal ng pamahalaan na sinasandalan at magsisilbing tagabulong kay Duterte.

Wala siyang Garma, Sara Duterte at Bong Go.

Ang tanging pinanghahawakan ni Eleazar ay ang kanyang makabuluhan, tapat, sipag at malinis na pagiging opisyal ng PNP mula noon hanggang ngayon.

Ang mga katangiang ito ang tanging salalayan at batayan upang maging pambansang pinuno si General Guillermo Lorenzo Eleazar sa Nobyembre 10.