Advertisers
“DAIG ng binu-bwenas ang minamalas.” Ito marahil ang napagtanto nina Morong Police Chief Major Rosalino Panlaqui ng lalawigan ng Rizal at Malvar Police Chief Captain Nemecio Calipjo Jr. ng Batangas matapos na mabuko ng mataas na pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang operasyon ng mga ilegal na sugalan sa magkahiwalay na raid sa mga bayan ng Morong, Rizal at Malvar, Batangas. Nagresulta ito sa pagkasakote ang mga sugarol sa dalawang gambling den na ino-operate ng mga lider ng Perya Industry of the Philippine Association (PIPA) may ilang araw pa lamang ang nakararaan.
Napatunayan na hindi sinusunod nina Police Chief Major Rosalino Panlaqui at Police Chief Captain Nemecio Calipjo Jr. ang mga direktiba nina PNP Chief Benjamin Acorda Jr. at PNP Region 4-A Director PBGen. Paul Kenneth Lucas kaya nanganganib na sa kangkungan sila kapwa pulutin.
Sa madaling salita ay kailangan nang sibakin kapwa sa kanilang pwesto na siyang itinatadhana sa ilalim ng “One Strike and No Take Policies.” Bahagi ito ng disciplinary action upang maipakitang determinado ang liderato ni PDGen. Acorda Jr. alinsunod sa atas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na linisin ang patuloy na nadudungisan at nasasadlak sa nakahihiyang sitwasyon ng PNP.
Sa unang kinasang raid ay naaresto ng mga operatiba ni CIDG Director MGen. Romeo Caramat Jr. ang mag-asawang alyas Evelyn at Boy Life nang maaktuhan habang nagmamando sa kanilang pergalan (peryahan na pulos sugalan) sa dating sementeryo sa Brgy. San Juan sa bayan ni Morong, Rizal Mayor Sidney Soriano . Nadakip din doon ang mga empleyado nina alyas Evelyn at Boy Life at ang maraming mananaya sa color games at iba pang uri ng sugal.
Si alyas Evelyn ang Presidente ng Perya Industry of the Philippine Association (PIPA) na nagsusulong na ganap na gawing legal ang mga sugal lupa na kalimitang kinababaliwan ng mga sugarol sa mga kunyari ay tradisyunal na peryahan na nag-ooperate halos buong bansa.
Maraming mga pulitiko, opisyales ng PNP at iba pang mga government official ang tinangkang linlangin ng grupo nina alyas Evelyn upang paamyendahan ang batas na sumasaklaw sa Comprehensive Anti-Gambling Law at papaniwalain ang mga ka-miyembro na mababago ng gayon-gayon na lamang ang umiiral na batas.
Nanawagan pa ang PIPA kay PNP Chief Acorda Jr. at DILG Sec. Benhur Abalos na tuldukan na ang lingguhang intelhencia o protection money collection na pinapapasan sa kanila ng mga “kapustahan” (police tong collector) na nakabase sa Camp Crame, PNP R4A, mga province/city/ municipal police chief.
Sinalikop naman ng mga operatiba ng CIDG Special Operation Unit (SOU) ang permanente o puesto pijo na pasugalan ng mag-asawang alyas Glenda at Jun alyas Utoy sa Brgy. Santiago sa bayan ni Malvar, Batangas Mayor Cristeta Reyes. Liban sa mag-asawa, dalawang mananaya at apat na empleyado nina alyas Glenda at Jun ang nadakip ng mga tauhan ni MGen. Caramat Jr.
Si alyas Evelyn ay may isa pang pergalan katabi lamang ng barangay hall ng Bagumbayan, tapat ng Tita Els Restaurant sa bayan ni Teresa Mayor Rodel Dela Cruz at Police Chief Major Edsel Limbaga. Si alyas Glenda ay may ikalawang puesto pijo naman sa Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City na hurisdiksyon ni Police Chief LtCol. Rix Villareal. Ipasalakay na din sana ni MGen. Caramat Jr. ang dalawa pang ilegal na pasugalang ito na prente din ng drug pushing at prostitution hub.
Sa pakikipagtulungan ni Police Executive Master Sergeant (PEMS) Paquito Chan ay ipinaaalam ng SIKRETA kay MGen. Caramat Jr. na halos may dalawang taon nang walang takot na nag-ooperate sina alyas Glenda at Jun ng mga pasugalang hinihinala pang front ng bentahan ng shabu at pugad ng prostitusyon sa naturang bayan.
Ang pasugalang halos kadikit lamang ng dingding ng CP Reyes Satellite Clinic na ilang metro din lamang ang distansya sa Malvar Police Community Precinct ngunit kataka-takang hindi kinakanti ni Capt. Calipjo Jr. si alyas Glenda na tinaguriang “Gambling, Shabu at Prosti Queen” sa CALABARZON?
Ipinagbabanduhan ni alyas Glenda na kumare nito si Mayora, sinuportahan pa ng election fund noong nakaraang May 2022 election at ang lote na kanilang inuokopa ay pag-aari ng mga Reyes?
Inabot ng kamalasan ang matagal nang binu-bwenas na sina Maj. Panlaqui at Capt. Calipjo Jr. sa pansamantalang pagkawala ng talamak na sugalan sa kanilang area of responsibility (AOR). Huwag naman sanang “sara- bukas” na tulad ng dating kinagawian na sa mga naturang gambling den.
Dapat ay kapwa humarap sa salamin at suriin nina Maj. Panlaqui at Capt. Calipjo Jr. ang kanilang mga sarili? Ano kayang masasabi nina Rizal PNP Provincial Director Col. Felipe Maraggun at Batangas PNP Provincial Director Col. Samson Belmonte?
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144