Advertisers
NAAALALA n’yo pa ba ang pangalang Joe De Venecia, mas kilala sa tawag na “Manong Joe” o “JDV”?. Siya lang naman ang dating House Speaker na nagsilbi sa dalawang presidente ng bansa, una kay Fidel V. Ramos (1992 -1998) at sumunod kay Gloria M. Arroyo (2001-2008).
Mabangong mabango si Manong Joe noon. Halos lahat ng miyembro ng House ay kanyang napapasunod. Kaya anuman ang hilingin sa kanya ng sinisilbihang presidente ay kaagad nakukuha.
Nang tumakbo siyang presidente noong 1998, halos lahat ng kongresista ay suportado siya. Binusog niya ng pera eh. Hehehe… Pero ang naging resulta ng eleksiyon ay iniwanan siya ng milya milya ni Joseph “Erap” Estrada.
Oo! Halos naubos nga ang kuwarta ni JDV sa mga balimbing na kongresista pati sa local executives.
Tinalakay ko ito dahil ganito ang nakikita ko ngayon sa dalawang taon palang na pamumuno sa House of Representatives ni Martin Romualdez, ang pinsan ni Pangulong “Bongbong” Marcos.
Halos lahat ng miyembro ng House ngayon ay nasa kampo na ni Romualdez, nagpapahayag ng buong suporta kuno anuman ang sabihin ng huli. Siempre! Aba’y hindi sila mabibigyan ng bilyones na infra projects kung ‘di sila sisipsip sa kadugong ito ng Pangulo. Mismo!
Dito lang sa bangayan ng Senado at House kaugnay ng kontrobersiyal na People’s Initiative para sa pag-amyenda kuno sa Konstitusyon, lantarang nagpahayag ng suporta kay Romualdez ang 30 congressmen ng Metro Manila, anim ay mula sa anim na distrito ng Maynila.
Ang solid 25 local leaders sa Surigao del Norte ay lantaran ding nagdeklara ng suporta kay Romualdez lalo na sa Visayas kungsaan galing si Ronualdez.
Sabi nga, what Romualdez wants, Romualdez gets!
At sa tingin n’yo ba gagawa ng anumang hakbang si Romualez nang walang bendisyon ni PBBM? You know!!!
Sabi, tatakbong senador si Romualdez sa 2025 para pamunuan ang Senado. Manalo kaya siya? Let’s see!!!
***
Marami ang nagtataka rito kay Senadora Imee Marcos, ang susper-Ate ni PBBM, kung bakit sa halip na suportahan niya ang mga programa ng pangulo ay kinokontra pa nito.
Tulad ng isinusulong ne economic provisions sa Konstitusyon na suportado ni PBBM. Lantaran itong kinokontra ni Sen. Imee. Bakit kaya?
Ano kaya ang hidden agenda ni Sen. Imee at kontra siya nang kontra sa mga sinusuportahang programa ni PBBM? Totoo bang komokontra siya o style n’ya lang ito para makuha ang simpatya ng masa para rin sa sariling ambisyon sa 2028?
Maging ang kanyang pinsan na si Speaker Ronualdez ay kanyang winawakwak sa publiko. Samantalang puwede naman sila mag-usap ng sarilinan.
Ang ipinagtataka pa natin, sa kabila ng paninira ng mag-aamang Duterte (Cong. Paolo, Mayor Baste ay ex-Pres. Duterte) kay PBBM, tahimik lang si Imee, pero lantarang nagpapahayag ng pagkampi kay Vice Pres. Sara Duterte, kapatid nina Paolo at Baste.
Tingin ko nakikipagplastikan lang si Sen. Imee sa mga Duterte.
Say n’yo mga pare’t mare?