Advertisers
UMABOT sa 170 pamilya ng nawalan ng tirahan habang tatlong residente ang naiulat na nasaktan matapos sumiklab ang malaking sunog sa isang residential area sa Las Piñas City kahapon.
Base sa inilabas na disaster incident report ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), kasalukuyang nananatili ang nasa 648 na apektadong indibiduwal sa Barangay Elias Aldana Covered Court kung saan agad na nagtayo ang Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ng mga modular tent.
Sa inisyal na ulat ng Las Piñas City Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang apoy sa Kurba, Brgy. Elias Aldana sa lungsod dakong 1:23 ng hapon nitong Marso 5.
Mabilis na kumalat ang apoy kung saan tinatayang 150 na bahay na pawang gawa sa light materials ang naabo sa sunog.
Ang sunog ay umabot sa ikaapat na alarma bago idineklarang fire out ng BFP bandang 3:22 ng hapon kahapon sa tulong ng pagresponde ng 21 na fire trucks sa lugar.
Nabatid na tatlong residente ang naiulat na nasugatan sa insidente na kinilalang sina Wenceslao Tolentino, 26-anyos,nagtamo ng first degree burns sa kanang braso; Norlita Tegero,55-anyos, at Jonniel Moya, 24-anyos, kapwa nagtamo ng 1st degree burns sa kanang kamay.
Patuloy na inaalam ng otoridad ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng natupok na ari-arian sa naturang lugar.
Samantala, kaagad na pinuntahan ni Vice Mayor April Aguilar ang mga apektadong pamilya upang alamin ang kanilang sitwasyon at kalagayan para sa pagbibigay naman ng kaukulang tulong mula sa lokal na pamahalaan. (JOJO SADIWA)