Advertisers
LUMAGDA ang National Bureau of Investigation (NBI) sa isang administrative order na nag-uutos ng imbestigasyon hindi lamang kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte kundi sa lahat ng indibidwal na naglalabas ng banta laban sa First Family at pamahalaan.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, hindi nakatuon sa isang tao ang kautusan kundi sa sinumang maglalabas ng pahayag na may banta sa gobyerno.
Nagkataon lamang, aniya, na kasabay nito ang naging pahayag ni Mayor Duterte kaya nagkaroon ng maling akala na siya lang ang iniimbestigahan.
Giit ng NBI, saklaw din ng imbestigasyon ang social media accounts ng ilang personalidad na nagpakalat ng pagbabanta laban sa Pangulo at iba pang opisyal.
Una nang kinumpirma ng NBI na sinusuri na nila ang pahayag ni Mayor Duterte laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kasunod ng panawagan ng Malacañang na imbestigahan ang mga banta at umano’y plano laban sa Pangulo, na naungkat din sa pagdinig sa Kamara.
Magugunita na ibinunyag ni Ramil Madriaga, umano’y dating bagman ni Vice President Sara Duterte, na may mga pag-uusap ng ilang dati at retired generals tungkol sa planong pagpapatalsik at maging pagpatay sa Pangulo.