Advertisers
NAANTIG ang netizens nang mag-viral ang mga larawan ng isang person with dissability (PWD) sa pagdo-donate nito ng mga nalimos na higit P12,000 para sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses sa Marikina City nitong Martes.
Ayon kay Jasper Justo, isang volunteer sa lungsod sa relief operations at namahagi ng mga larawan, inakala nila na hihingi ng tulong si Romeo Menil o “Mang Romy” na akay-akay ng isang lalaki papasok ng City Hall.
Nagulat daw si Justo at kaniyang mga kasamahan nang ipresenta ni Mang Romy at ng kagawad na akay-akay siya na mula Antipolo, ang P12,390 na ipinalimos niya para i-donate sa pamahalaang lungsod ng Marikina para daw sa mga apektado ng bagyo.
“Hindi hadlang ang karamdaman para makatulong. Im-bes na para sa kanyang mga pangangailangan ilaan gastusin ito, bagkus kanya itong ibinigay para sa mga taga Marikina na nasalanta ng bagyong Ulysses,” dagdag ni Justo.
Naantig si Justo sa ginawa ni Mang Romy at sinabing nakaka-inspire ang ginawa nito. Halos maiyak na nga lang daw ang mga nandoon dahil sa donasyon ng PWD at pirmado pa ng barangay chairman sa Mambugan, Antipolo ang donasyon.
Naantig din daw si Marikina Mayor Marcy Teodoro kay Mang Romy at sinabing sana daw ay gayahin din ng iba ang kanyang ginawa.