Advertisers
IPINAHAYAG ng regional office ng National Bureau of Investigation (NBI) na nananatiling nakalaya ang televangelist na si Apollo Quiboloy at ang kanyang 5 kapwa akusado sa kasong human trafficking matapos ang pagpapalabas ng warrant of arrest ng Pasig Regional Trial Court at Davao City RTC.
Inutusan ng korte na arestuhin sina Quiboloy at ang kanyang kapwa mga akusado na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemañes.
Sinabi ni NBI-Southeastern Mindanao regional director Archie Albao, muli nilang pinuntahan ang mga ari-arian ni Quiboloy sa iba’t ibang bahagi ng Davao City at Davao del Norte, nguni’t hindi nila matagpuan ang anim na wanted.
Bago ang pagpapalabas ng mga warrant ng Pasig RTC, dalawang linggo na ang nakalipas, nag-utos din ang Davao RTC ng pag-aresto kay Quiboloy dahil naman sa kasong sexual abuse.
Apat sa mga babaeng respondent sa kaso ang agad na sumuko sa mga awtoridad nang mailabas ang warrant ng kasong child abuse na may kaukulang piyansa. Ngunit sa Pasig RTC, non-bailable ang mga kasong isinampa laban sa mga respondent.
Dagdag pa ni Albao, nagpapatuloy parin ang negosasyon sa pagitan ng mga awtoridad at kampo ni Quiboloy.
Samantala, ibinalik ang warrant of arrest kina Quiboloy nang magpaso ang 10 araw na effectivity nito at inaantay ng awtoridad na mag-isyu ang korte ng ‘alias warrant of arrest’.
Sinabi rin ni Albao na isang hamon ang paghahanap kay Quiboloy dahil ang kontrobersyal na televangelist’s Glory and Prayer mountains property sa Bgy. Tamayong ay mahigit 100 ektarya.
Noong nakaraang linggo, nang isilbi ng Office of the Senate’s Sergeant-at-Arms ang contempt warrant sa mga ari-arian ni Quiboloy, sinabi ni Albao na umalis ang OSSA sa Davao at babalik kapag may nakakita kay Quiboloy sa nasabing lugar.
Tinugunan din ng PNP ang mga ulat na mayroong “private army” si Quiboloy.
“Hindi natin alam yung information with due respect kay Sen. Hontiveros, with respect doon sa sinasabi niya na private army ni Pastor Quiboloy. We don’t have nay information on that,” wika ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo.
Sinabi ng opisyal na pinag-aaralan nila ang posibilidad na kanselahin ang mga lisensya ng mga baril ni Quiboloy dahil sa mga nakabinbing kaso nito.