Advertisers
TALAGANG pinaliliguan ng mga media at political operators ng Tsina ang kanilang mga counterpart dito sa Pilipinas lalo na sa usapin agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea. He-He!
Ang husay nilang mag-isip ng mga bagong spin para lamang makontrol ang narrative at lagi nilang pinagmumukhang tanga at walang alam ang ating mga top national officials.
Katulad na lamang nitong huling pasabog nila na ‘new model’ kuno sa kasunduan kung paano ipagpapatuloy ng dalawang bansa ang usapin hinggil sa WPS partikular sa Ayungin Shoal.
Ito’y matapos sabihin ng Chinese Embassy na nakipagkasundo na dati ang Armed Forces of the Philippines- Western Command sa China sa tinatawag na “new model” para sa pamamahala sa sitwasyon sa Ayungin Shoal.
Ang pahayag ng Tsina ay inilabas ilang linggo lamang nilang paputukin ang gentleman’s agreement kuno tungkol sa WPS sa pagitan nina Chinese President Xi Jinping at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
At sa parehong pagkakataon ay naiwan ang mga opisyal ng gobyerno katulad ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, Jr. para itanggi at magpaliwanag kaugnay ng mga isyung ito sa WPS.
Siyempre gaya ng inaasahan ay itinanggi nina Gibo ang umano’y pagkakasangkot ng DND sa “new model” kuno sa Ayungin Shoal.
Todo tanggi si Gibo at sinabi pa na simula nang maupo siya bilang DND secretary noong Hulyo 2023 ay hindi niya pinahintulutan ang anumang ugnayan sa pagitan ng DND at ng Chinese Embassy.
Wala naman talaga siyang magagawa kundi itanggi ito dahil alangan naman na aminin niya iyon.
Pero kung totoo man o hindi ang new model, gusto ko lang sabihin na matataba talaga ang utak ng mga media at political operator ng Tsina.
Ito ay dahil nagagawa talaga nilang palundagin ang mga opisyal ng Pinas sa kanilang mga upuan dahil sa kanilang mga gimik.
Nagdududa tuloy ako na baka may mga insider talaga na mga Pinoy na nagbibigay ng mga impormasyon sa kanila at siyang nagtitimon kung ano ang mga pauputukin nilang mga isyu.
Ano kaya ang masasabi ng mga dating tao ni Pangulong Digong tungkol dito? Ha-ha!
Abangan!