Advertisers
HALOS isang linggong mawawalan ng tubig ang may 2,000 residente ng isang village sa Taguig nang hindi makapagbayad ang kanilang organisasyon sa konsumo ng tubig sa Manila Water na nagkakahalaga ng P5 milyon.
Nagtitiyaga na lamang ang mga residente ng Palar Village sa limitadong suplay ng tubig sa loob ng anim na araw nang putulin ng Manila Water ang suplay ng tubig sa kanilang lugar.
Napag-alaman na nag-ugat ang pag-alis ng suplay ng tubig ng Manila Water nang hindi makapagbayad ang Inner Port Neighborhood, na siyang nakatalagang maningil ng konsumo ng tubig ng mga residente sa naturang village
Ayon kay Barangay Pinagsama chairperson Ma. Victoria Mortel, nakalikom na sila ng P650,000 noong nakaraang linggo, ngunit sinabi ng Manila Water na hindi parin ito ang sapat na halaga para muling maibalik ang koneksyon ng kanilang suplay ng tubig.
Nakapailalim parin ang Palar Village sa bulk metering dahil pag-aari ang lupang kinatatayuan nito ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Sa kasalukuyan, pansamantalang umaasa na lamang sa itinalagang fire trucks ang mga residente sa suplay ng tubig nguni’t hindi lahat ng nasasakupan ng village ang nakikinabang dito.