Advertisers
NAGBITIW sa kanyang trono ang Senador Juan Miguel Zubiri bilang Senate President nitong nakalipas na araw ng Lunes.
Subalit may ulat naman na nagsasabing sinibak si Zubiri sa kanyang trono sa pamamagitan ng botohan kung saan mayorya ng mga Senador ay pumabor kay Senador Francis Escudero bilang kapalit ng Zubiri.
Sinibak man o nagbitiw sa kanyang trono ang Zubiri ay malinaw na sa taumbayan ngayon na mayroon pa rin nagkukubling ‘di pagkakaunawaan sa loob ng halos dalawang taon nang kasalukuyang administrasyon.
Bagaman alam naman ng marami sa Senado na papalitan na ang Zubiri ay hinayaan pa rin ng kanyang mga kapwa Senador na magbitiw na muna ito sa kanyang trono. ‘Graceful Exit’ ika nga sa Ingles. Hinayaan nga ba?
O, hiniling ni Zubiri sa kanyang mga kasamahan na hayaan siyang pormal na magbitiw? Iba kasi ang implikasyon ng sinibak at nagbitiw sa puwesto kung pulitika ang pag-uusapan. Sinibak, kahiya-hiya yun… marangal naman ang nagbibitiw.
Batay sa mga naging pahayag ni Zubiri makaraan itong palitan ni Escudero ay marapat lamang na lisanin nito ang kanyang trono dahil ang puwesto ng Senate President ay dapat masunurin sa Malakanyang.
Inihayag ni Zubiri na mayroon mga bagay o isyu na hindi niya nasunod o nagawa kaya inasahan na nito ang posibleng pagtanggal sa kanyang trono bilang lider ng Senado sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Napakaganda rin ang ginawa ng kaalyado ni Zubiri sa Senado nang ihayag din nila ang kanilang pagbibitiw sa kanilang pinamumunuan na Komite upang bigyan [ika nga] ng ‘Free Hand’ ang bagong Senate President – ‘delicadeza’.
Kung iisipin ay kilala ang Zubiri sa ganitong aksiyon na lalong nagpasikat sa kanyang ‘political career’. Nagbitiw siya noon patungkol sa labanan nila ni Senador Koko Pimentel. Naalala ninyo?
Labanan para sa ika-12 puwesto sa Senado kung saan nagsumite ng protesta si Pimentel. Nang malaman marahil na talo sa ‘recount’ ang Zubiri ay nagbitiw ito. Bumango ang pangalan ng Zubiri noon, ganoon din kaya ngayon?
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com